Mga biktima ng nakaraang sunog sa Orani, tumanggap muli ng tulong

ORANI, Bataan — Sa kabila ng pandemya dulot ng COVID-19, tumanggap muli ngayong araw ng tulong ang mga residente ng Orani na naging biktima nuong nakaraang sunong sa Barangay Pantalan Bago.

Ayon kay Mayor Efren Dominic Pascual Jr., mga materyales sa pagpapagawa ng bahay at tulong pinansyal ang pinagkaloob mula sa pinagsama-samang tulong para sa mga biktima ng sunog nuong nakaraang Marso.

Ang mga residente na ang buong tahanan ay natupok ng apoy ay tumanggap ng 40 sako ng semento, isang mini dump truck ng buhangin, 760 piraso ng hallow blocks, 28 piraso ng steel bar, 38 piraso ng lumber, 5 piraso ng plywood at 24 piraso ng yero.

Para naman sa mga biktima na may bahay na bahagyang nasira ng apoy, 21 sako ng semento at isang mini dump truck ng buhangin ang kanilang tinanggap.

Dagdag ng alkalde, lahat ng mga nasunugan ay pinagkalooban ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng 5,000 piso na mula sa pamahalaang lokal.

Aniya, umaasa siyang magagamit ang mga nabanggit na tulong upang muling makabangon at makapagsimula ang mga biktima ng sunog higit ngayong panahon ng krisis dulot ng COVID-19.

Lubos ang pasasalamat ni Pascual sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Albert Raymond Garcia, dating 2nd District Board Member Dante Manalaysay, Punong Barangay Marvin dela Cruz ng Mulawin, mga kababayang sina Cris Ilaya, Jonjon Arizapa, at ang JC&CJ Hardware na naging katuwang ng pamahalaang lokal sa pagpapaabot ng tulong sa kanyang nasasakupan.

Matatandaang umabot sa 26 na kabahayan na binubuo ng 42 na pamilya o kabuuang 146 na indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa malaking sunog na naganap nitong ika-4 ng Marso.

Magmula nuon ay patuloy ang naging pag-alalay at paghahatid ng tulong ng pamahalaang panlalawigan at pamahalaang bayan ng Orani sa mga biktima tulad ng  mga naunang materyales sa pagpapagawa ng bahay at relief goods para sa pang-araw-araw na pagkain. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews