Mga border papasok sa Nueva Ecija, maghihigpit

Maghihigpit na muli ang mga otoridad na magbabantay sa mga border control points ng Nueva Ecija.

Ayon kay Governor Aurelio Umali, simula sa darating na ika-anim ng Agosto ay kinakailangang may mai-presentang kaukulang dokumento ang sinumang dadaan o papasok sa lalawigan.

Nakapaloob sa Resolution No. 2 Series of 2021 ng Nueva Ecija Multi-Sectoral and Inter-Agency Task Force on the Control and Management of COVID-19 ang isasagawang activation ng border control protocol simula sa nabanggit na petsa hanggang sa ipawalang bisa o pahabain pa nang hanggang sa itinakdang petsa sa ika-20 ng Agosto taong kasalukuyan. 

Ang sinumang dadaan o uuwi sa Nueva Ecija ay kinakailangang may mai-presentang alinmang dokumento gaya ng sumusunod: negative antigen, saliva, o RT-PCR test result na isinagawa nang hindi lalagpas sa 72 oras nang pagbyahe sa lalawigan; valid NE-IATF issued border pass; valid IATF –issued APOR ID/ pass; at vaccination card para sa mga indibidwal na fully vaccinated laban sa COVID-19.

Nakapaloob naman sa section 4 nang nasabing kautusan na pahihintulutang agad na makadaan sa mga checkpoint ang mga emergency o medical purposes ang pagbyahe. 

Pahayag ni Umali, dahil sa sinasabing airborne ang transmission ng COVID-19 delta variant ay mas mabilis itong naihahawa kung kaya’t kahit nasa kategoryang MGCQ ang Nueva Ecija ay kinakailangan na ding mahigpit sa mga pumapasok sa lalawigan upang mapigil ang pagkalat ng naturang sakit.

Iniulat din ng Punong Panlalawigan ang dalawang kaso ng COVID-19 delta variant na naitala sa mga bayan ng Talavera at San Leonardo. 

Aniya, mayroon nang delta variant sa lalawigan kung kaya’t dapat lamang na muling i-activate ang mga control checkpoints papasok ng Nueva Ecija.

Marahil aniya ay hindi mauunawaan ng iba ang gagawing paghihigpit sa mga border ng Nueva Ecija gayunpaman ay pang-unawa ang panawagan at hiling ni Umali upang mailayo sa kapahamakan ang lalawigan sa maaaring maidulot ng pagkalat ng delta variant ng COVID-19.

Ito ang nais niyang iparating sa lahat ng mga nasasakupan sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa mga barangay, hindi para magkaroon ng diskriminasyon kundi ay magkaroon ng kontrol sa mga pumapasok sa lalawigan. 

Paglilinaw ni Umali, depende sa magiging sitwasyon ng buong lalawigan o mga lokalidad kung kinakailangang magsagawa ng paghihigpit sa paglabas at paggalaw ng tao. 

Kaniya namang siniguro ang patuloy na pagbabantay at ugnayan ng provincial at mga local IATF hinggil sa kasalukuyan at magiging sitwasyon ng mga nasasakupan lugar. 

Para sa mga may katanungan hinggil sa ipaiiral na checkpoint sa mga border ng Nueva Ecija ay maaaring tumawag sa himpilang  0917-586-2870.

Ayon naman kay Nueva Ecija Police Provincial Director Colonel Jaime Santos ay mayroong 15 border control points sa lalawigan na kung saan nasa 11 ang maituturing na busy control points.

Kabilang dito ang mga boundary ng Nueva Ecija at Tarlac gaya ng Zaragoza –La Paz, Aliaga – Tarlac (CLLEX), Licab – Victoria,  at Guimba – Pura.

Gayundin ang mga boundary sa iba pang mga katabing lalawigan gaya ng Gapan- San Miguel, Bulacan; Cabiao- Arayat, Pampanga; Cuyapo- Rosales, Pangasinan; Carranglan – Sta. Fe, Nueva Viscaya; Pantabangan- Castañeda, Nueva Viscaya; Bongabon- San Luis, Aurora; at Gabaldon- Dingalan, Aurora.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews