Mga Bulakenyo, nagtanim ng 1,000 puno sa DRT

Nagtanim ng isang libong puno at fruit bearing trees ang mga Bulakenyo sa isinagawang pagdiriwang ng National Arbor Day nitong Biyernes sa Barangay Camachin sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan.

Tinawag na Arbor Day Tree Planting and Growing Activity, pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office ang nasabing gawain.

Mahigit isang daang Bulakenyo ang lumahok sa nasabing gawain kung saan itinanim nila ang sari-saring punla ng guyabano, langka, lanzones, rambutan at narra.

Para sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Gob. Daniel Fernando ang kahalagahan ng kooperasyon at pagkakaisa sa pagitan ng gobyerno at ng mamamayan sa pangangalaga ng kapaligiran at likas na yaman.“Ang inyo pong lingkod, katuwang ang BENRO ay nakatuon sa pag-aalaga ng ating kalikasan at kaisa ng bawat mamamayan sa patuloy na pag-iingat at pagtatanim ng mga puno at halaman.
Dahil nga po sa nililimitahan lamang natin ang pagkakaroon ng malaking pagtitipon, ako po ay nanawagan na kahit sa kani- kanilang bakuran o kapaligiran ay maging aktibo ang lahat sa pakikilahok sa ganitong mga gawain,” ani Fernando.

Samantala, ang kahalagahan ng mga puno para sa buhay ng tao ang buod ng mensahe ni BENRO Division Head Atty. Julius Victor Degala.

“Napakahalaga po ng Arbor Day dahil ipinaaalala nito sa atin na kinakailangang palitan po natin ang mga punong kahoy na nawala. At hindi po nagtatapos lamang sa pagtatanim ng punong kahoy, kailangang siguraduhin nating lumaki ang mga punong kahoy na ito upang magbigay sa atin ng oxygen,” ani Atty. Degala.Ang ibang kalahok na dumalo sa nasabing gawain ay ang mga Dumagat, Homeowners Association of Pandi, PNP, mga kinatawan ng MENRO mula sa mga bayan sa Bulacan, at Barangay Captain Lowel Sembrano ng Camachin at mga residente nito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews