BOCAUE, Bulacan (PIA) — Pansamantalang hihinto muna hanggang sa North Luzon Express Terminal o NLET na nasa may Philippine Arena sa Bocaue ang mga bus na galing sa mga lalawigan sa Gitna at Hilagang Luzon simula ngayong Lunes, Marso 16.
Ito’y bilang bahagi ng ipinapatupad na community quarantine sa Metro Manila upang masugpo ang coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Department of Transportation spokesperson Goddes Hope Libiran, lahat ng mga provincial operations buses na may biyahe sa Metro Manila ay paaakyatin sa Ciudad de Victoria exit ng North Luzon Expressway papunta sa NLET.
Dito pabababain ang mga pasahero at isasailalim ang bawat isa sa thermal scanning at check point na ipapatupad ng Philippine National Police. Ito’y upang makumpirma kung karapat-dapat ba silang paluwasin sa Metro Manila o hindi.
Kapag pumasa sa mga pagsusuri, saka pasasakayin ang mga pasahero sa mga nakaabang na city buses. Iyon na ang kanilang sasakyan papuntang Metro Manila.
Pinagdadala ang lahat ng pasahero ng company ID, certificate of employment o anumang dokumentong magpapatunay ng kanilang pakay na trabaho o hanapbuhay sa Metro Manila.
Samantala, suspendido muna ang biyahe ng mga Premium Point-to-Point Buses na mula sa mga bayan ng Santa Maria, Malolos, Plaridel, Pandi at Balagtas na papuntang EDSA-North Avenue.