LUNGSOD NG MALOLOS — Niresiklo ng pamahalaan bayan ng Baliuag ang mga tarpaulin na ginamit na campaign material nitong nagdaang halalan.
Sa pamumuno ng Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO, binaklas ang mga tarpaulin at kanilang sininop bilang bahagi ng Eco-Livelihood Program.
Ayon sa MENRO, makukulay na eco-bags ang nagagawa sa mga campaign material at ang mga hindi naman nagamit na tarpaulin ay dadalhin sa Central Material Recovery Facility upang doon i-proseso at i-compress gamit ang bailing machine para maipadala sa recycling facility.
Mabibili ang mga eco-bag sa halagang 50 hanggang 100 piso sa Baliuag Pasalubong Center at Baliuag Climate Change Center.
Ang kitang malilikom ay mapupunta sa mga benepisyaryo ng livelihood program na siyang nagpanatili ng kaayusan at kalinisan ng bayan.
Alinsunod sa panuntunan ng Baliuag Environmental Code, Department of Environment and Natural Resources at ng Commission on Elections, kinakailangan baklasin ng mga kandidato ang kanilang mga ginamit na campaign material nitong nagdaang eleksyon.
Samantala, patuloy ang ginagawang weekly clean-up drive ng mga tauhan ng pamahalaan bayan at paglilinis ng irigasyon kanal ng National Irrigation Administration para sa maayos na daloy ng patubig sa mga palayan.
Kabilang sa mga barangay na nauna ng nalinis ang Sabang, Subic, Tarcan, Tangos, Tibag, Bagong Nayon, Pinagbarilan at Sta. Barbara.
Pati na ang Baliuag-Pulilan Bypass Road, mga parke at monumento.