Mga eksperto mula sa ibang bansa, tutulong sa NMIA project

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nagsanib pwersa ang mga airport experts mula Estados Unidos, France at Singapore para sa pagtatayo ng proyektong New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan. 

Iyan ang iprinisinta ni Raoul Eduardo Romulo, Chief Finance Officer at Treasury Head ng San Miguel Holdings Corporation, sa harap ng mga delegado ng ginanap na Bulacan Investment Forum na inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry.

Ang mga ito ay ang Meinhardt na gumawa sa Atlanta Airport sa  Amerika, ang Jacobs na nagdisenyo sa Charles de Gaulle Airport sa France at ang Groupe ADP na umayos sa Changi Airport ng Singapore. Sila ang kinomisyon ng San Miguel Corporation o SMC upang tumulong sa project development at sa aktuwal na konstruksyon ng nasabing paliparan. 

Ang SMC ay pribadong kumpanya na pinagkalooban ng konsesyon upang magtayo ng NMIA sa 2,500 lupain sa Bulakan na katabi ng Manila Bay. 

Sinabi pa ni Romulo na bagama’t hindi pa nagsisimula ang aktwal na konstruksyon, ang nasabing mga ekperto rin ang kinatulong ng kumpanya upang matiyak na hindi malulubog sa baha ang mga barangay sa paligid ng itatayong NMIA. 

Isinailalim aniya sa hydrologist study ang topograpiya at heograpiya ng Bulakan at ang mga bayan sa paligid nito upang maagapan ang pinapangambahang pagbabaha. 

Kaya’t sa tulong din ng Meinhardt, Jacobs at Groupe ADP, sisimulan na sa unang bahagi ng 2020 ang malawakang pagpapalalim at pagpapaluwang ng Marilao-Meycauayan-Obando River System, mga kailugan ng Malolos at ang ilog Tullahan sa Valenzuela.

Target magsimula ang full operation ng NMIA sa taong 2026 kung saan magagamit ang apat na mga runways na ang haba ay mula 2.6 hanggang 3.5 kilometro at passenger terminal building na may lapad na 16.5 na ektarya. Idinisenyo ito upang makapaglulan ng 60 mga malalaking eroplano kada oras.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews