Mga establisementong magse-Sale, dapat may Fair Trade permit

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Dapat may aprubadong Fair Trade Permit ang bawat establisemento sa tuwing magsasagawa ng mga sale, o pagtitinda na may malalaking diskwento sa iba’t ibang produkto o serbisyo. 

Iyan ang binigyang diin ni Department of Trade and Industry o DTI Bulacan Director-In-Charge Ernani M. Dionisio sa ginanap na Kapehan with Media Partners.

Aniya, hindi lamang binibigyan ng pagkakataon na tumaas ang kita ng mga establisemento. Pinapayagan ng DTI ang mga sale upang lumakas ang purchasing power o kakayahang bumili nang marami ng mga mamimili. 

Bukod dito, nagiging paraan din ito upang ang mga mamimili ay magtamo ng dagdag na produktong libre o free sa bawat takdang halaga na mabibili. 

Pwede ring pakinabangan ang mga sale sa pamamagitan ng raffle at mga simpleng papremyo na magpapasaya sa mamimili basta’t ang isasagawang sale ay kinakailangang may partikular na petsa o durasyon kung gaano ang itatagal upang pagkalooban ng DTI ang establisemento ng Fair Trade Permit.

Naaayon ang Fair Trade Permit sa Republic Act 10667 o Philippine Competition Act na siyang patakaran sa Pilipinas na gawing mas lalong bukas ang ekonomiya sa pamamagitan ng patas na kompetisyon sa kalakalan, industriya at lahat ng uri ng komersiyalisasyon. 

Mas mababantayan din ng DTI ang mga establisemento upang hindi makapagmanipula sa presyo, produkto at serbisyo. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews