LUNGSOD NG CABANATUAN — Tumungtong na sa 26 ang kabuuang bilang ng mga gumaling na pasyente ng coronavirus disease o COVID-19 sa Nueva Ecija.
Ito ay batay sa naging pag-uulat ng Nueva Ecija Inter-agency Task Force ngayong araw, Mayo 5.
Pahayag ni NE IATF Spokesperson Father Arnold Abelardo, kabilang sa mga gumaling ay ang apat na pasyente mula sa lungsod ng Cabanatuan.
Sila ay sina Patient No. 4, 63 taong gulang mula sa barangay Isla, Patient No. 10 na 58 taong gulang sa barangay Sta. Arcadia, Patient No. 11 na 25 taong gulang na mayroong travel history sa France at Taguig at si Patient No. 25, 52 taong gulang mula sa barangay Bonifacio.
Kasama din sa mga bagong nadagdag na mga gumaling ay ang nars mula sa bayan ng Rizal, at ang tig-isang pasyenteng residente ng mga bayang Cuyapo, Quezon at San Isidro.
Paalalaa ni Abelardo sa lahat ay manatili lamang sa mga tahanan, parating maghugas ng mga kamay, magpalakas ng katawan at doblehin ang pag-iingat lalo ngayong mabagal ang pagdating ng mga resulta ng laboratory test dahil sa dami ng mga sinusuring pasyente.
Para naman aniya sa mga gumaling na ay patuloy pa ding maging maingat upang masigurong hindi manumbalik ang naturang sakit.