MALOLOS, Bulacan — Binigyang pagkilala ng pamahalaan panlalawigan ang mga guro dahil sa dedikasyon at debosyon sa propesyon sa katatapos na ika-27 Bulacan Outstanding Administrators, Teachers and Supervisors o BOATS kamakailan.
Ayon kay Gobernador Wilhelmino Sy Alvarado, ang edukasyon ang pinakamakapangyarihang sandata na magagamit upang bahugin ang mundo kaya malaking impluwensiya ang mga guro sa pagtataguyod ng lipunan.
Hindi lamang anya karunungang mula sa literatura, sining, agham o matematika ang ibinabahagi ng mga ito, bagkus ay pagmumulat sa kamalayan ng mga mag-aaral sa mga aral ng buhay, higit sa lahat, kung paano mamuhay ng mabuti, marangal, at maging makabuluhang kasapi ng lipunan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Bulacan Schools Division Superintendent Romeo Alip na ang talino, husay, kakayahan at kabutihang-asal ng mga pinarangalan guro ay pinanday at pinatibay ng misyon at bisyon ng Kagawaran ng Edukasyon.
Kabilang sa mga tumanggap ng BOATS awardee para sa kategoryang Elementary School Teacher ay sina Lucila Macabante ng Salacot Elementary School, Marlivel ZaƱo ng Santa Maria Elementary School, Eleanor Jose ng San Roque Elementary School, Arlene Lazaro ng Dike Elementary School, Jenny Dapon ng Malis Elementary School, Charito Adriano ng Tabing Bakod Elementary School, Belinda Perez ng Pulo Elementary School, Elesia Dizon ng C. M. De Jesus Memorial Elementary School, Jocylyn Manzano ng Balagtas Central School, Edgardo Santiago ng Obando Central School, at Geraldine Buluran ng North Hills Village Elementary School.
Gayundin, kinilala si Manolo Cunanan ng Lumangbayan Elementary School sa kategorya ng Elementary School Head Teacher habang sina Ronaldo Contreras ng Masuso Elementary School, Elma Ege ng Magmarale Elementary School, Minerva Sarmiento ng FVR Phase 3 Elementary School, Roderick Bautista ng Sta. Maria Elementary School, at Felicidad Dela Cruz ng San Jose Elementary School ay pinarangalan sa kategorya ng Elementary School Principal.
Dagdag pa rito, si Rafael Nicolas Dionisio ng Marcelo H. Del Pilar National High School ay kinilala sa kategorya ng Secondary School Teacher, si Guillermo Faundo ng Fortunato F. Halili National Agricultural School sa kategoryang Secondary School Head Teacher, at Lauro Lagman ng Santa. Maria National High School sa kategoryang Secondary School Principal.
Tumanggap ang mga nagsipagwagi ng plake, medalya at 10,000 pisong perang insentibo.