LUNGSOD NG MALOLOS — Itutuloy ang pagpapalalim ng mga kailugan sa Bulacan.
Ito ay matapos ang pagpupulong nina Gobernador Daniel Fernando kasama ang Department of Environment and Natural Resources o DENR, Environment Management Bureau o EMB, Department of Public Works and Highways o DPWH, Bulacan Environment and Natural Resources Office at Torejas Construction Supply Corporation o TCSC.
Dito tinalakay ang DENR Administrative Order No. 2020-07 o ang Rationalizing Dredging Activities in Heavily Silted River Channels upang maibalik sa dati nitong anyo ang mga katubigan sa probinsiya.
Ayon kay EMB Regional Director Wilson Trajeco, ang nasabing atas ay alinsunod sa Joint Memorandum Circular No.1 Series of 2019 ng DENR, DPWH, Department of the Interior and Local Government at Department of Transportation upang mapangalagaan at maisaayos ang pamamahala sa buhangin at maibalik sa dati ang natural na kalagayan ng daloy ng tubig sa mga mapuputik nang kailugan sa bansa.
Inilatag din ng TCSC ang kanilang plano sa kung saan at paano nila maisasagawa ang paghuhukay sa ilang bahagi sa Bulacan ng libre.
Ayon kay TCSC Geologist Delfin Bagon, tukoy na nila ang mga lugar sa lalawigan kung saan sila magsasagawa ng dredging mula Hagonoy hanggang Bulakan at Paombong hanggang Malolos.
Saklaw nito ang upstream hanggang sa delta. Base sa pag-aaral ng TCSC, ito ang mga highly susceptible sa pagbaha tuwing tag-ulan.
Ayon kay Fernando, hindi dapat tumigil sa paggawa ng maganda para sa kalikasan kahit na panahon ng pandemya.
Hihilingin din ng gobernador sa DENR na magawa ang ibang lugar na kinakailangan ma-dredge.
Iniharap naman nina Raymund Borlongan at Abraham Dolores ng Provincial Engineers’ Office ang kanilang mga natapos nang gawain sa paghuhukay sa lalawigan at ipinakita ang mga lugar na nangangailangan pa ng higit na paghuhukay partikular ang lahat ng ilog patungo sa Manila Bay.