Mga inilikas na katutubo sa San Marcelino, patuloy na sinusuportahan

SAN MARCELINO, Zambales — Patuloy ang tulong at suporta sa mga katutubo sa isang sitio sa bayan ng San Marcelino sa Zambales matapos silang ilikas sa kani-kanilang tahanan buhat ng isang sagupaan sa pagitan ng militar at makakaliwang grupo.

Magkatuwang ang pamahalaang bayan ng San Marcelino at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pag-aabot ng tulong sa mga Indigenous People o IPs na naapektuhan ng bakbakan sa Sitio Lumibao, Barangay Buhawen.

Sa panayam ni Police Regional Director PBGen. Rhodel Sermonia kay Mayor Elvis Soria sa programang Rektang Konek-Aksyon Agad, sinisigurado ng alkalde na simula noong ilikas ang mga katutubo ay patuloy na silang nakakatanggap ng kinakailangang suporta at tinitiyak niya na sila ay nasa mabuting kalagayan.

Ayon kay Soria, agad nilang inilikas ang mga residente sa covered court ng Baragay Aglao nang sumiklab ang bakbakan noong ika-21 ng Agosto, kung saan agad na nabigyan ng higaan, pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ang mga residente.

Sa naging insidente, doble ang pag-alalay ng lokal na pamahalaan sa mahigit 700 apektadong katutubo upang masiguro na nasusunod ang health protocols ngayong may banta pa rin sa kalusugan dulot COVID-19.

Kasabay ng araw-araw na pagdadala ng pagkain, namahagi din ng mga face masks at mahigpit na ipinatutupad ang social distancing.

Dagdag pa ni Soria, patuloy ang programang pangkabuhayan sa mga katutubo tulad ng pagtuturo ng woodcrafting o paggawa ng mga basket bilang pandagdag sa kanilang kabuhayan.

Aniya, pagnatapos sa pagsasanay ang mga katutubo, bibigyan sila ng mga materyales o trabaho upang makatulong sa kanilang pangkabuhayan. Patuloy pa rin aniya ang pagbisita ng ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga komunidad upang suportahan ang kanilang iba pang pangangailangan.

Ang nasabing engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at miyembro umano ng New People’s Army ay mariing kinukundena ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP.

Ayon sa NCIP, ang nangyaring militarisasyon ay isinagawa na may pahintulot ng komunidad upang protektahan sila laban sa impluwensiya ng mga makakaliwang grupo.

Pinabulaanan din ng kapitan ng Barangay Buhwain na si Edgardo Dueñas ang mga kumakalat na balita na inaabuso ng militar ang kanilang lugar kung saan may mga katutubong binubugbog umano ng mga sundalo para palayasin sa kanilang ninunong lupain o ancestral domain.

Giit ni Dueñas, pawang mga kasinungalingan at propaganda lamang mga ipinakakalat na balita dahil aniya ay personal nilang pinuntahan ang lugar at wala silang nasaksihang insidente o walang saksi sa nasabing pambibintang sa militar.

Wala namang naiulat na miyembro ng IP ang nasaktan sa pangyayari, at maging ang kanilang mga kabahayan sa bulubunduking barangay ay hindi nasira. 

Inaasahang makakabalik na bukas sa kani-kanilang tahanan sa Sitio Lumibao ang mga inilikas na katutubo sa pag-alalay pa rin ng pinagsamang pwersa ng pulisya at ng pamahalaang lokal.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews