MONCADA, Tarlac — Inilahad ni Moncada Mayor Estelita Aquino ang iba’t-ibang inisiyatibo ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang kanyang mga kababayan at mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19.
Sa kanyang State of the Municipality Address, ipinahayag ni Aquino na ang kalusugan ng mga residente ang kanyang prayoridad sa gitna ng pandemya kung kaya’t agarang binuo ang Municipal Task Force Against COVID-19.
Sa bisa ng isang resolusyon, isinailalim ang bayan ng Moncada sa State of Calamity noong ika-17 ng Marso kung saan ang limang porsyentong Calamity Fund o 8,709,959.60 piso ang inilaang pondo sa pagtugon sa pandemya.
Ani Aquino, umabot sa 4,028,566.39 piso ang halaga ng mga biniling thermal scanners, face masks, alcohol, disinfecting solutions, face shield at Personal Protective Equipment o PPE para sa mga barangay checkpoints at Rural Health Unit.
Bukod sa Calamity Fund, nagbaba rin ang Department of Budget and Management ng Bayanihan Grant to Cities and Municipalities o BGCM na katumbas ng isang buwang Internal Revenue Allotment.
Ayon sa alkalde, nasa P13,279,975 piso ang kabuuang halaga ng BGCM ng Moncada kung saaan 6,789,625.93 piso ang nagamit sa relief operations; 4,028,566.39 piso sa health supplies and PPEs; 159,750 piso sa mga Rapid Test Kits; at 27,400 piso para sa iba pang aktibidad gaya ng pagtulong sa mga Locally Stranded Individuals o LSIs.
May 483 LSIs ang natulungang umuwi ng lokal na pamahalaan habang 152 na indibidwal na na-stranded sa Moncada ang nakabalik sa kani-kanilang probinsya.
Pagbibigay-diin ni Aquino, mayroon pang natitirang 2,274,632.68 piso mula sa BGCM.
Samantala, naipamahagi naman sa 8,297 na benepisyaryo ang 53,930,500 piso mula sa programang Emergency Subsidy Program sa ilalim ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development.
Mula Enero hanggang Mayo, iginiit ni Aquino na umabot sa 791 na indibidwal naman ang nakatanggap ng tulong sa ilalim ng Department of Labor and Employment- Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers kung saan 300 sa mga ito ay benepisyaryo bago ang lockdown habang 491 ang nadagdag noong kasagsagan ng pandemya.
Dagdag pa sa mga programang ito ang paglulunsad ng rolling stores sa bawat distrito, araw-araw na paglilinis at pagmo-monitor sa palengke, pamamahagi ng relief goods, paghahatid ng gamot sa mga pasyente ng Balai Monca’linga at tuluy-tuloy na pagbibigay ng health services sa mga residente.
Iniulat din ni Aquino ang iba’t-ibang ordinansa na kanilang ipinatupad gaya ng palagiang pagsuot ng face mask, social at physical distancing sa mga pampublikong lugar, at ang Anti-Discrimination Ordinance.
Sa kabuuan, nakapagtala ang munisipalidad ng isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na namatay sa sakit.
May 3,929 na mga taga-Moncada rin ang naka-kumpleto ng mandatory home quarantine kung saan 51 dito ay suspect at probable cases.