LUNGSOD NG MALOLOS — Ang mga institusyong pinansyal sa Bulacan ay maari nang umutang sa Land Bank of the Philippines o LBP matapos itong maglunsad ng isang loan program para sa mga lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay LBP Bulacan Lending Center Head Ranilo Jimenez, ang kanilang Countryside Financial Institutions Enhancement Program–2020 Calamity Assistance Program o CFIEP-CAP 2020 ay isang loan program para sa mga Cooperative Banks, Rural Banks, at Thrift Banks na apektado ng kalamidad, mga peste o sakit, o kaya ng viral infection o outbreaks.
Ipinaliwanag ni Jimenez sa isang panayam sa Radyo Bulacan 103.9 FM na ang programa ay mula sa pinagsamang pwersa ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Deposit Insurance Corporation, at LBP na layong makatulong sa Countryside Financial Institutions o CFIs na makaahon mula sa mga pinsala o pagkatigil ng operasyon at maibalik ang kanilang operational cash flow.
Aniya, sa ganitong paraan ay hinihikayat ng LBP na ipagpatuloy ang kanilang negosyo at patuloy na magpahiram ng pera sa publiko lalo na sa sektor ng agrikultura.
Maaaring makahiram ang mga CFIs ng hanggang 90 porsyento ng kanilang apketadong existing portfolio o 10 milyong piso o kung alinman ang mas mababa sa dalawa. Dapat lamang ay hindi hihigit ang halaga sa borrowing capacity ng CFI ayon sa LBP policy.
Dagdag ni Jimenez, ang interes nito ay nasa 4.5 porsyento kada taon na fixed sa ng isang taon at pagkatapos ay ibabatay na ang interes sa annual repricing. Maari nilang bayaran ang loan hanggang sa limang taon, na may isang taon na grace period sa principal at interest payments.
Maaring mag-aaply ang mga CFIs na apektado ng COVID-19 sa programa hanggang ika-30 ng Hunyo sa taong 2021. May hanggang dalawang taon naman na pwedeng mag-avail ng programang mula ng unang araw na mai-deklara ang state of calamity/disaster o disease/viral outbreak o infestation.
Para naman sa mga war-devastated areas o lugar na apektado ng armed conflict, hanggang dalawang taon pwedeng mag-avail sa programa mula nang mai-deklara ang lugar na safe para sa rehabilitation o construction.
Para sa mga interesadong mag-apply sa nasabing loan program, ang mga kinakailangang dokumento at iba pang impormasyon ay makikita sa www.landbank.com/cfiep-2020-cap o maaring tumawag sa Bulacan Lending Center sa numerong (044) 796-1301 o 662-4126. Maaari ring ipadala ang aplikasyon sa [email protected]. (CLJD/SFV-PIA 3)