LUNGSOD NG CABANATUAN — Ibibida ng 20 micro, small and medium enterprises o MSMEs mula sa Nueva Ecija ang mga gawang produkto sa ika-24 Likha ng Central Luzon o LCL.
It ay gaganapin sa MegaTrade Hall ng SM MegaMall mula Oktubre 26 hanggang 30.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Richard Simangan, madaming makikitang bagong produkto na ipinagmamalaking gawa sa lalawigan.
Isa na rito ang coffee beans and powder na gawa ng Nueva Ecija University of Science and Technology.
Hindi naman aniya mawawala ang mga MSMEs na suki o matagal nang lumalahok sa nabanggit na trade fair lalo na ang mga tanyag at binabalik-balikang produkto sa lalawigan.
Gaya ang longganisa, binabad, tocino at barbecue ng Nueva Cabanatuan Meat Products; ang flavored milk, yogurt, pastillas, pasteurized milk at iba pang dairy products ng NEFEDCCO at DVF Farms; processed and fresh mushrooms ng Red J Food Products; flavored banana chips ng Wagi Food Products; at tofu, soya milk, veggie bagoong, taho at sisig ng Ajees Food Products.
Mabibili din ang calamansi juice, turmeric ginger tea, powdered calamansi, ube, guyabano ng Forturo’s Food Manufacturing, Jilly Food Products at Tropical Agriculture Cooperative, gayundin ang cacao chocolate bars, tablea, pili/ cashew nuts ng Desmond Farm and Partners, Inc.
Maliban sa mga agricultural products ay ibibida din ng Nueva Ecija ang mga non-food items tulad ng hand painted barong, shawl, Filipiniana, bolero ng LJRM Enterprises; decorative candles ng Lumenare Lights and Candles; shoes, bags, sandals ng JVF Center for Technical Studies and Assessment, Inc.; at curtains, bed sheets at pillow cases ng Glamorosa Enterprises at Mary Mats and Rags Trading.
Kung mga pang-dekorasyon naman ang kailangan ay hindi papahuli ang acacia wood handicraft ng Casamoda Handicraft; plant stand, capiz lamps, at tin lamp ng Novocijano Novelty Items; rattan, pet baskets, solihiya bags, planters at fruit containers ng Original na Magbabasket ng Nueva Ecija; corn husk handicraft at christmas decors ng Vanamiks Handicraft; at flower vase, ornamental plants at decorative items ng Yam’s Ornamental Plants.
Katuwang ng DTI sa pagdaraos ng LCL Trade Fair ang Philexport Region 3, Regional Development Council at Central Luzon Growth Corridor Foundation Inc.