Mga kabataan ng Sta. Maria hinikayat na iwasan ang droga, terorismo

STA. MARIA, Bulacan — Isang youth forum kontra droga at terorismo ang isinagawa ng Army 48th Infantry Battalion o 48IB katuwang ang kapulisan ng Sta. Maria at pamahalaang barangay ng Pulong Buhangin kamakailan.

Sa ilalim ng programang Kabataan Kontra Droga at Terorismo o KKDAT, ipinaliwanag ng mga kapulisan at kasundaluhan sa mahigit 900 na estudyante ng iba’t ibang eskwelahan sa nasabing barangay ang masasamang epekto ng paggamit ng droga at paraang ginagamit ng maka-kaliwang grupo sa paghimok ng bagong kasapi.

Ayon kay 48IB Civil-Military Operations Officer 1Lt. Kinley Cocjin, ang KKDAT ay isang istratehiya upang labanan ang insurehensya at panghihikayat ng maka-kaliwang grupo sa mga kabataan na umanib sa kanila at labanan ang gobyerno. 

Sa isang pahayag, sinabi ni 48IB Commanding Officer Lt. Col. Feliex Emeterio Valdez na alam ng mga communist terrorist groups na mahalaga ang papel ng kabataan upang tumagal pa sila ng dekada, subalit sa paglikha ng Executive Order 70, naghuhudyat ito ng pagtatapos ng local communist armed conflict. 

Anya sisiguruhin nila na progresibo at may magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon.

Samantala sa panayam kay Sta Maria Chief of P/Lt. Col. Jaime Quiocho Jr., sinabi nitong kandidato ang barangay Pulong Buhangin para tuluyang maideklarang drug-free kapag naging matagumpay ang pagrereporma sa natitirang anim na na-involved sa droga.

Nagpapasalamat din si Quiocho sa pamahalaang barangay ng Pulong Buhangin sa pangunguna ni Punong Barangay Raymond Castaneda dahil malaki anya ang naitulong nito sa pagpapatayo ng Police Community Precinct sa tabi mismo ng barangay hall at pagbibigay ng patrol car na kanilang ginagamit sa araw-araw na pagroronda at police visibility.

Maliban sa terorismo at droga, kasama rin sa tinalakay sa nasabing forum ang Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children Law bilang pakikiisa sa selebrasyon ng National Women’s Month ngayong Marso. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews