IBA, Zambales — Nasa kabuuang 15 kabataan sa Zambales ang lumahok sa Freshwater Aquaculture Training ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Ayon kay Fisherfolk Regional Director Tomas Payumo Jr., may edad 13-18 ang lumahok sa pagsasanay na inorganisa ng Regional Fisheries and Training and Fisherfolk Coordinating Division.
Ikinagalak ni Payumo na masaksihan ang pakikilahok ng mga kabataan.
Namangha aniya siya na makita ang pagkasabik ng mga bata na matuto sa industriya ng pangisdaan.
Dagdag pa niya, alam niya ang hirap na dinaranas ng mangingisda kaya’t masaya siya para sa mga kabataan na sa kanilang murang edad ay mararanasan nila ang saya na dulot kapag mayroong huli.
Kabilang sa mga paksang tinalakay sa isinagawang pagsasanay ang mga wasto at siyentipikong pamamaraan ng tilapia sa isang fish pond upang labis na mapakinabangan ang produksyon ng mga ito.
Samantala, nagpasalamat din si Payumo sa BFAR sa pagkakataong ipinagkaloob sa kanya upang mapaglingkuran ang mga mangingisda sa Gitnang Luzon.