BOCAUE, Bulacan — Nagharap ang tatlo sa anim na mga kandidato sa pagka-gobernador ng Bulacan sa ginanap na Gubernatorial Candidates’ Forum na inorganisa ng Diyosesis ng Malolos na idinaos sa St. Martin of Tours Parish.
Kabilang sa mga lumahok sina Bise Gobernador Daniel R. Fernando, Malolos City Mayor Christian D. Natividad, at Jayson Ocampo.
Ayon sa Vicar General ng Diyosesis ng Malolos na si Msgr. Pablo Legaspi, ang pagdadaos ng Gubernatorial Candidates’ Forum ay ambag ng simbahan upang tulungan ang mga botanteng Bulakenyo.
Pinaalalahanan naman ni Msgr. Albert Suatengco, ang kura ng parokya ng St. Martin of Tours, ang mga botante na kung gagawing sagrado ang kanilang pagboto ay pipillin at iluluklok ang tunay na kinatawan ng Panginoon sa kanyang bayan.
Sentro ng pinag-usapan ang mga planong proyekto at programa kung paano makakapagbukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho at hanapbuhay upang mabawasan ang bilang ng mga mahihirap sa lalawigan.
Base sa Human Development Index noong 2017, pang Pito ang Bulacan sa hanay ng mga mauunlad na lalawigan sa bansa mula sa pagiging pangalawa noong 2007. Resulta ito ng pagtaas ng bilang ng mga naging relokasyon sa lalawigan na nakapagtala ng 4.5% poverty incidence.