
LUNGSOD NG TARLAC – Dumalo ang mga kandidato sa lalawigan ng Tarlac sa Unity Walk, Interfaith Rally at Signing of Peace Covenant bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa mapayapa, malaya at patas na Halalan sa Mayo 12.
Ang naturang programa ay inorganisa ng Secure, Accurate, Free Elections o SAFE 2025 Core Group upang hikayatin ang lahat ng sektor ng lipunan na itaguyod ang matiwasay at ligtas na eleksyon sa probinsya.
Ayon kay Tarlac Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Miguel Guzman, ang paglagda sa peace covenant ay sumasalamin sa paninindigan ng bawat isa na labanan ang anumang banta sa integridad ng proseso ng eleksyon.
Aniya, prayoridad ng kapulisan na maprotektahan ang kalayaan at kaligtasan ng mamamayan sa pagboto sa kanilang ninanais na mamuno.
Dagdag pa ni Guzman, hindi ipagsasawalang-bahala ng kapulisan ang anumang paglabag sa batas na maaaring makaapekto sa karapatan ng mga mamamayan na bumoto.
Kabilang din ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga nagpahayag ng suporta sa adhikain ng gobyerno na mapanatili ang kapayaan at kaayusan sa nasyunal at lokal na eleksyon.
Ipinahayag ni PPCRV Director Reverend Father Oscar Roque Jr. na mahalaga ang kapayapaan sa pagbibigay ng kalayaan sa mga botante na iluklok ang nais nilang maglingkod sa bayan.
Tiniyak ni Roque ang aktibong partisipasyon ng PPCRV sa pagpapanatili ng katapatan at kaayusan ng proseso ng eleksyon sa probinsya.
Nagsimula ang Unity Walk sa Ma. Cristina Park hanggang sa Diwa ng Tarlac sa lungsod ng Tarlac.
Sinuportahan din ito ng Commission on Elections, Department of the Interior and Local Government, Philippine Information Agency, 3rd Mechanized Infantry Battalion, at Salaam Police Advocacy Group. (CLJD/TJBM, PIA Region 3-Tarlac)