Mga kasundaluhan, katuwang sa pamamahagi ng relief goods sa NE

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Katuwang ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan ang mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion o 84IB sa pamamahagi ng relief goods sa mga nasasakupang mamamayan. 

Ayon kay 84IB Commander Lieutenant Colonel Honorato Pascual Jr., maaasahan ang pakikiisa at pagtugon ng hanay sa kailangang tulong ng mga lokalidad upang umagapay sa mga mamamayan sa kinahaharap na krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19. 

Kabilang sa mga tinulungan ng mga kasundaluhan sa pamamahagi ng relief goods ang pamahalaang lungsod Agham ng Muñoz na layong maaabot ang humigit kumulang 23,299 households na nasasakupan. 

Ayon kay Science City of Muñoz Social Welfare Chief Myrna Estrada, ang tulong na nangagaling sa lokalidad ay hangad na matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa kinahaharap na suliraning dulot ng COVID-19.

Isa din sa inagapayanan ng mga kasundaluhan sa paghahatid ng mga relief goods ang pamahalaang bayan ng Pantabangan na nagpamahagi ng tig-limang kilong bigas at mga de lata sa 4,709 pamilya. 

Pahayag naman ni 703rd Infantry Brigade Commander Colonel Andrew Costelo na may sakop sa 84IB, mananatiling nakasuporta ang mga kasundaluhan sa mga lokal na pamahalaan higit sa mga programa at gawaing pagtulong sa taumbayan. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews