LUNGSOD NG CABANATUAN — Kabilang ang 10 katutubo mula sa bayan ng Bongabon ang nakatanggap ng kanilang training allowance mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Ayon kay TESDA Nueva Ecija Provincial Director Ava Heidi Dela Torre, sila ay kasama sa 25 iskolar ng tanggapan sa ilalim ng Special Training for Employment Program na nakatapos ng pagsasanay sa kursong Hilot Wellness Massage na may National Certificate o NC II.
Aniya, bagamat ipinaiiral sa lalawigan ang Modified Enhanced Community Quarantine ay natuloy ang pamamahagi ng training allowance noong Martes, Mayo 19, na may kabuuang halaga na 27,000 piso.
Kaugnay nito ay 11 Dumaget at Igorot naman ang kasamang naturuan sa paggawa ng dishwashing liquid sa ilalim ng community based training project ng ahensya na idinaos sa barangay Labi sa bayan ng Bongabon.
Sa kabuuan ay nasa 31 residente ng nasabing barangay ang nabigyang kasanayan ng tanggapan katuwang ang JVF Center for Technical Studies and Assessment, Inc., na ang mga natutunan ay maaaring gawing pang-hanapbuhay o negosyo.
Pagtitiyak ni Dela Torre, mahigpit na ipinatutupad sa mga aktibidad ang pagsasagawa ng health protocol kontra sa paglaganap ng coronavirus disease tulad ng pagsusuot ng facemask at social distancing.