Mga katutubo sa San Jose, nakatanggap ng food packs

LUNGSOD NG SAN JOSE (PIA) — Namahagi ng tulong ang 84th Infantry Battalion o 84thIB at pribadong grupo sa mga katutubong Ibaloi sa lungsod ng San Jose. 

Tinungo ng mga kasundaluhan at Demolay Alumni of Narra Chapter ang komunidad ng mga katutubo sa sitio Bambanaba, barangay Villa Floresta upang ipagkaloob sa bawat pamilya ang tig-limang kilong bigas, isang buong manok at mga de lata. 

Nasa 30 pamilya ng mga katutubong Ibaloi sa nasabing lungsod ang nabiyayaan sa mga ipinamahaging food packs.

Nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat ang nakatatandang pinuno ng komunidad na si Delio Atos sa mga natanggap na tulong na malaking kapakinabangan upang makaraos sa pang-araw araw na pamumuhay. 

Pahayag ni 703rd Infantry Brigade Commander Colonel Andrew Costelo na nakasasakop sa 84th IB, hindi magsasawang tumulong ang mga kasundaluhan sa mga nasasakupan higit sa oras ng pangangailangan.

Gayundin ay patuloy aniyang susuporta ang hanay sa abot ng makakaya sa mga kagayang aktibidad o kawang gawa lalo ngayong nasa gitna ng krisis dulot ng coronavirus disease.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews