Mga maagang magbabayad ng buwis may makukuhang diskwento

LUNGSOD NG MALOLOS — May makukuhang diskwento ang mga Bulakenyong maagang magbabayad ng buwis para sa kanilang mga ari-ariang di natitinag.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, nakasaad sa batas na 10 porsyentong diskwento ang makukuha ng mga magbabayad sa itinakdang oras habang 15 porsyento naman ang diskwento para sa mga maagang magbabayad ng kanilang amilyar.

Ayon pa sa punong lalawigan, ang pagbabayad ng buwis na naaayon sa itinakda ng batas ay obligasyon ng isang mamamayan at ito ay dapat lang na bayaran para sa ikauunlad ng probinsya at bansa. 

Malaki aniya ang naitutulong ng mga nakokolektang buwis para matugunan ng pamahalaan ang iba’t ibang mga pagawain at pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa ipinalabas na anunsyo ng Provincial Treasurer’s Office, ang deadline para sa pagbabayad ng Real Property Tax ay sa Marso 31, 2020 (First Quarter – Enero hanggang Marso); Hunyo 30, 2020 (Second Quarter- Abril hanggang Hunyo); Setyembre 30, 2020 (Third Quarter – Hulyo hanggang Setyembre) at Disyembre 31, 2020 (Fourth Quarter – Oktubre hanggang Disyembre).

Para naman sa ibang buwis, itinakda ang deadline sa o bago ang ika-31 ng Enero para sa pagbabayad ng Professional Tax, sa o bago ang ika-15 araw ng bawat buwan para sa Amusement Tax, sa o bago Enero 20 o sa loob ng 20 araw ng Enero kada taon para sa buwis sa Printing at Publication at sa o bago Enero 20 para sa tax on delivery vans at trucks.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews