Mga magsasaka, mangingisda, binigyang pugay ng DA

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Mayo 29 (PIA) — Binigyang pagkilala ng Department of Agriculture o DA ang mga manggagawa sa agrikultura sa ginanap na Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda. 

Layunin ng nasabing pagdiriwang na may temang “Pagpupugay sa Magsasaka at Mangingisda Natin, Tungo sa Sapat na Pagkain” na kilalanin ang kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda bilang mga bayani sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay DA Regional Executive Director Crispulo Bautista Jr., layunin nitong lumikha ng kamalayan sa mga programa patungkol sa seguridad sa pagkain, magtaguyod ng mga polisiyang susuporta sa mga inisyatiba sa sektor ng agri-fishery, at isulong ang malawakang pagpapatupad ng Plant Plant Plant Program o 4Ps.

Bahagi ng aktibidad ang pamamahagi ng mga binhi at punla sa iba’t ibang mga lokal na yunit ng pamahalaan o LGU bilang bahagi ng programang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) kontra sa COVID-19”.

Nagpasalamat si Danilo Pineda ng Lungsod ng San Fernando sa mga punlang natanggap, na kanila aniyang ipamamahagi sa kanilang mga nasasakupan upang itaguyod ang home at urban gardening

Bahagi din ng pagdiriwang ang Kadiwa ni Ani at Kita trade fair. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews