Inaasahan ng mga magsasaka sa bayan ng Lupao sa Nueva Ecija ang mas magandang ani at kita sa pagsasaka.
Ito ay sa tulong ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (BSRIP) na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules, ika-13 ng Disyembre.
Ayon kay San Isidro Balbalungao Irrigators’ Association President Joseph Trinidad, umaasa lamang dati ang kanilang samahan sa sahod ulan para mapatubigan ang sakahan, na nagreresulta sa mababang ani at kita.
Sa nasabing pamamaraan aniya ay umaani lamang sila ng nasa 80 hanggang 90 kaban ng palay kada ektarya, mula sa minsanang taniman sa loob ng isang taon.
Kabilang pa sa mga naging solusyon ng asosasyon sa pagkakaroon ng suplay ng patubig sa ilang mga taniman ng gulay ang paggamit ng water pump.
“Kaya napakalaking tulong ang pagbubukas ng bagong irrigation project na ngayon ay mapakikinabangan na ng lahat ng mga magsasaka sa barangay at makatutulong din upang makapagsaka ng dalawang beses o higit pa sa loob ng isang taon,” dagdag ni Trinidad.
Sa pagkakaroon aniya ng maaasahang suplay na patubig ay maaari na rin masubukang magtanim ng ibang variety ng palay para sa mas mataas na ani at kita.
Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Alex Rommel Romano na pangunahing hanapbuhay ng mga kababayan ang pagsasaka kaya tunay na malaki ang maitutulong ng bagong irrigation project.
Hindi lamang aniya magsasaka ang mabebenepisyuhan nito dahil kasama rin sa pag-asenso ng magsasaka ang pag-unlad ng buong bayan.
Kaugnay nito ay lubos ang pasasalamat ng mga samahan ng magsasaka at pamahalaang bayan sa pamahalaang nasyonal sa pagtataguyod ng naturang proyekto.
Ang BSRIP ay mayroong service area na 967.19 ektaryang bukirin na pagmamay-ari ng 560 magsasaka mula sa apat na barangay partikular ang San Isidro, Balbalungao, Salvacion at Mapangpang. (CLJD/CCN-PIA 3)