CABANATUAN — Pinulong ng Social Security System at Philippine Information Agency ang mga tricycle operators at drivers sa lungsod ng Cabanatuan hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng seguridad para sa kinabukasan.
Ito ay nilahukan ng nasa 70 lider ng mga Tricycle Operators and Drivers Association sa lungsod na kasapi ng Tri-Wheels Federation.
Ayon kay PIA Assistant Regional Director Carlo Lorenzo Datu, matagal nang mayroong ugnayan ang dalawang tanggapan hinggil sa pagpapalawak ng mga programa ng gobyerno partikular ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS.
Dito ay binigyang linaw sa asosasyon ang mga benepisyo na maaaring matanggap ng pagiging aktibong miyembro ng SSS gayundin ay nagkaroon ng pagkakataong i-update ang datos ng kanilang pagiging kasapi.
Ipinahayag ni SSS Cabanatuan Branch Accounts Management Section Officer-in-Charge Ernesto Binag Jr. na layunin ng tanggapang mabigyang proteksyon ang maraming Pilipino lalo na sa oras ng pangangailangan o maging sa kinabukasan.
Aniya, mahalagang bigyang pansin ang hinaharap dahil hindi sa lahat ng oras ay malakas ang pangangatawan upang magtrabaho gaya ng araw-araw na pamamasada ng tricycle.
Bilang mga miyembro ng SSS ay maaaring tanggapin ang agapay sa pangangailangang pinansiyal gayundin sa pagkakasakit, pagkabalda, pagkamatay at pagreretiro.
Nilinaw din ni Binag na panghabang-buhay ang pagiging miyembro ng SSS na kinakailangang maging responsable sa paghuhulog ng kontribusyon upang matanggap ang mga nakalaang benepisyo.
Kaniya ding hinihikayat ang samahan na tangkilikin ang Alkansya Program ng tanggapan na laan para sa mga samahan upang hindi na maabala sa pagdayo sa opisina upang maghulog ng kontribusyon.
Ito ay dahil mimsong SSS at bayad center ang kumokolekta sa naging ipon ng bawat miyembro para sa kanilang buwanang hulog.
Tinaguriang Tricycle Capital of the Philippines ang Cabanatuan na may 21,000 rehistradong yunit batay sa datos ng Legalization Department ng pamahalaang lungsod.