Hinikayat ang mga magulang sa Tarlac na gabayan ang kanilang mga anak laban sa pagrerekrut ng Communist Terrorist Group o CTG.
Sa paglulunsad ng Hands Off Our Children Movement Inc. o HOOCMI Central Luzon Chapter sa probinsya, pinaalalahanan ang mga magulang sa iba’t ibang paraan ng pag-anyaya sa mga kabataan upang mapabilang sa CTG.
Ayon kay Army 3rd Mechanized Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Jeszer Bautista, walang mali sa pagiging aktibista dahil kailangan ito para sa matuwid na pamamahala.
Subalit kung ang pagiging aktibista aniya ay magiging daan para humawak ng armas ang mga kabataan, mamundok, at doon masawi sa halip na magkaroon ng magandang kinabukasan at magkaroon ng sariling pamilya, iyon ang maling proseso.
Binibigyang diin ng paglulunsad ang gampanin ng mga magulang bilang tagapanguna sa pag-aalaga at pagprotekta sa kanilang mga anak upang matiyak na sila ay hindi maging biktima ng karahasan.
Samantala, nagpasalamat si HOOCMI National Vice Chairperson Luisa Espina, sa pagtanggap sa kanila sa probinsya at paglahok ng mga magulang sa pagpapalawak ng organisasyon.
Ani Espina, mahalaga na maisalba ang buhay ng mga kabataan dahil patuloy pa rin ang pagrerekrut sa kabila ng pandemya.
Kaugnay ito ng programa ng pamahalaan sa pagtuldok ng karahasan dulot ng mga makakaliwang grupo. (CLJD/GLSB-PIA 3)