Mga malalaking kontratista lumahok sa Labor Day Job Fair sa Bulacan

MARILAO, Bulacan — Kabilang ang mga malalaking kontratista sa nakilahok sa idinaos na Trabaho-Negosyo-Kabuhayan Fair ngayong Araw ng Paggawa sa Marilao Convention Center.

Ayon kay Department of Labor and Employment Provincial Director May Lynn Gozun, ang paglahok nila ay bunsod ng kasagsagan ng implementasyon ng mga proyektong imprastraktura ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build-Build-Build.

Halimbawa na rito ang kontratistang EEI Corporation na nangangailangan ng mga mason, karpintero, tile setters, plumbers, rebarmen, scaffolders, building painters, steelworkers at iron workers.

May binuksan ding trabaho para sa mga gustong maging supervisors o foreman sa larangan ng safety, civil, rebar, architectural, piping, rigging, welding, mechanical, electrical at structural.

Bukod rito, naghahanap din ng operators ng concrete paver, grader, bulldozer, backhoe, payloader, tower craned, manlift, mobile, road roller, skid loader at pumcrete.

Ang EEI Corporation ang siyang gumagawa ng MRT 7 na magiging bagong linya ng tren mula sa lungsod ng San Jose Del Monte hanggang sa North Avenue sa lungsod Quezon.

Sila rin ang kontratista sa ginagawang Skyway Stage 3 na magkakabit sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway.

Samantala, may mga kontratista ring naghahanap ng mga mekaniko at driver ng 10 wheeler na trak, trailer, dump truck, boom truck at transit mixer.

Bukod sa pagbibigay ng trabaho, may booth din ngayong araw ang Department of Trade and Industry para magpayo sa mga naghahanap ng kabuhayan na subukan ding makapagsimula o makapagtayo ng sariling negosyo.

May libreng pagsasanay ang Technical Education and Skills Development Authority sa mga nais magkaroon ng negosyo sa paggawa ng sabon at dishwashing liquid.

May mga booth din ang Social Security System at Pag-Ibig upang magbigay serbisyo sa mga aplikante.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews