LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinapayuhan ng pamahalaang panlalawigan ang mga nagbabalak umuwi sa Nueva Ecija na humingi ng permiso at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Provincial Tourism Office Chief Jose Maria Ceasar San Pedro, responsibilidad ng mga pamahalaang lokal na masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan mula sa peligrong pagkalat ng coronavirus disease.
Kung kaya’t kailangang matiyak aniya na ligtas at maaaring bumyahe pauwi ang mga kababayan sa lalawigan na obligadong magpakonsulta muna at magkaroon ng health certificate para mapayagang makadaan sa mga checkpoint.
Aniya, nais man matulungan ang lahat na makauwi sa pamamagitan ng programang “Balik Nueva Ecija” ay kinakailangang sumunod ng tanggapan sa mga ipinatutupad na panuntunan.
Paglilinaw ni San Pedro, mahalagang maipaalam sa mga lokal na pamahalaan ang ninanais o planong pag-uwi dahil mayroong bayan o siyudad na hindi pa tumatanggap ng mga dumadating na kababayan mula sa ibang lugar.
Kaugnay nito aniya ang 12 kababayang natulungang makauwi sa probinsiya na mga naglibot lamang sa Bukidnon at napag-abutan ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa Cotabato noon pang Marso.
Pahayag ni San Pedro, nakipag-ugnayan ang tanggapan sa Department of Tourism at sa pamahalaang bayan ng Jaen upang mapayagan silang maka-uwi.
Bukod pa rito ang mga estudyante at mga kababayang na-stranded sa Baguio, Boracay, Davao, Cebu, at Iloilo.
Para sa mga nangangailangan ng agapay at mayroong katanungan ay maaaring tumawag sa himpilan ng kapitolyo na 0956-815-6494 at 0918-335-9910.