Mga Natatanging community vegetable garden ng kabataan sa Bulacan, kinilala

Kinilala ng pamahalaang panlalawigan ang mga Natatanging Community Vegetable Garden ng kabataan sa Bulacan.

Ito ay sa ilalim ng 3K: Kabataan, Kalikasan, at AgriKultura Project.

Personal na ipinagkaloob ni Gobernador Daniel Fernando ang sertipiko at 20,000 libong piso bilang premyo sa Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo o SAMAKAPO ng Banga 2nd, Plaridel na nagkamit ng unang gantimpala para sa kategoryang Plot o Field Gardening.

Nakuha naman ng Damayang Filipino Kabataan – Bocaue ang ikalawang pwesto at 15,000 piso premyo habang pumangatlo ang SAMAKAPO-Malolos na naguwi ng 10,000 piso.

Para naman sa kategoryang Containerized gardening, nasungkit ng SAMAKAPO-Bulihan sa Plaridel ang unang pwesto 20,000 piso habang nakuha naman ng LYDO Bustos na binubuo ng Sci-LG Com Club at Barkada Kontra Droga ng Cambaog National High School ang ikalawang pwesto at nag-uwi ng 15,000 piso. 

Sinabi ni Fernando na bilang mga susunod na lider, kailangang maging maalam ang mga kabataan kung paano paunlarin ang agrikultura dahil isa ito sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan. 

Ginawa anya ang patimpalak upang hikayatin ang mga kabataan sa pagsasaka gayundin maturuan ang mga ito ng mga makabagong teknolohiya sa agrikultura.

Dagdag pa ng gobernador, itinayo ng kapitolyo ang Farmers Training Center para sa libreng pagsasanay at sa hinaharap ang konstruksyon ng Productivity Center sa bayan ng Doña Remedios Trinidad at Multiplier and Breeding Center upang matugunan ang pangangailang sa karne. (CLJD/VFC-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews