Nagsagawa ng kani-kanilang pormal na selebrasyon ang mga lokal na opisyales ng Bataan sa Araw ng Kalayaan nitong nagdaang Sabado, Hunyo 12, 2021.
Sa Bayan ng Hermosa, nanguna si Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton kasama ang iba pang opisyal, sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa plaza ng Hermosa.
Sa kanyang talumpati ay pinasalamatan niya ang mga “men in uniform” kagaya ng mga pulis, sundalo, bumbero, marshals kasama ang mga frontliners sa pagkakaisa sa paglaban sa pandemya ng Covid-19.
Ayon kay Mayor Inton, kung dati ay nasa battle fields ang labanan, ngayon aniya ay sa mga ospital, sa mga quarantine at isolation facilities, at mga tahanan. Nagpasalamat din siya sa mga doctor, nurses, at mga health workers na “patuloy na nakikipaglaban para sagipin ang buhay ng ating mga kababayan.”
Samantala, ginunita ng LGU Samal, sa pangunguna ni Mayor Aida Macalinao kasama sina Vice Mayor Jun Espino, SB Members, mga department heads at kawani ang Araw ng Kalayaan sa plaza ng Samal.
Matapos ang pormal na selebrasyon ay isang pre-recorded video message ang ipinalabas sa Facebook account ni Mayor Macalinao na sumentro sa mga adhikaing “bayan muna bago ang sarili; buhay muna bago layaw; at Diyos muna bago tayo.”
Nagpaalala rin si Mayor Aida sa kanyang mga kababayan na palagiang sundin ang mga basic health protocols para hindi na dumami ang mga tatamaan ng Covid-19 sa kanyang nasasakupan.
Sa mensahe naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine B. Roman ay nanawagan ito na huwag kalimutang alalahanin ang mga bayaning nagbuwis ng kanilang mga buhay makamit lamang ang ang tinatamasang Kalayaan ng bansa.
“Sa harap ng mga pagsubok na dala ng Covid-19 pandemic, kailangan natin ang higit na pagkakaisa, katapangan, at determinasyon upang mapagtagumpayan natin ang labang ito,” pahayag ni Congresswoman Roman.
Sumentro rin sa paglaban sa kasalukuyang pandemya ang mensahe ni Bataan 2nd District Rep. Joet Garcia. Aniya, mula noong nakaraang taon, “tayo ay walang humpay na lumalaban mula sa tila’y pagkakakulong o pagkakabitag sa atin ng Covid-19 virus. Patuloy tayong magkapit bisig kasama ang mga bagong bayani na ipaglaban ang ating pamilya at bayan!”
At panghuli ay nanawagan naman si Bataan Governor Abet Garcia sa mga Bataenyo na huwag sumuko sa ‘panibagong digmaan na kinakaharap ng bansa at ng buong daigdig.’
Ayon pa sa Gobernador, naniniwala siya na “nasa huling yugto na ang labang ito at ang bakuna kontra Covid-19 ang huling linya ng depensang makapagbibigay ng lubos na Kalayaan laban sa mapaminsalang galamay ng nakamamatay na virus.”