Mga pamilyang naapektuhan ni ‘Karding’ sa Zambales, tumanggap ng tulong

May 750 pamilyang naapektuhan ng bagyong Karding sa Zambales ang nakatanggap na ng tulong mula sa pamahalaang panlalawigan.

Sa atas ni Gobernador Hermogenes Ebdane Jr., agad na nagpamahagi ng relief goods ang Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO sa mga kababayang inilikas sa mga evacuation centers.

Ayon kay PSWDO Head Merle Pastor, nasa 150 food packs ang naipamahagi sa bayan ng Cabangan, 100 food packs sa bayan ng Candelaria at 500 food packs sa bayan ng Sta. Cruz, base sa kanilang inisyal na tala.

Patuloy pa rin aniya ang ginagawang pamamahagi ng mga relief goods sa mga naapektuhan ng bagyo. 

Bukod sa food packs, nagsagawa rin ng feeding program ang Kapitolyo sa mga evacuation centers.

Sa kabuuan, nasa 1, 546 pamilya na binubuo 5,316 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa lalawigan. 

Samantala, ibinahagi naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Peter John Encarnacion na ang mga bayan lamang ng Cabangan at Botolan ang nagkaroon ng kaunting pinsala base sa kanilang assessment.

Aniya, mapalad ang probinsya na bagamat doon lumabas ang bagyo ay hindi ganun katindi ang naging epekto nito dahil nagsilbing proteksyon ang mga kabundukan. (CLJD/RGP-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews