Ibinahagi ni Jun Omar Ebdane ang kanyang mga programa bilang bagong alkalde ng bayan ng Botolan sa Zambales.
Sa isang panayam, sinabi ni Ebdane na isa sa kanyang bibigyang tuon ang sektor ng kalusugan.
Aniya, magkakaroon ng dagdag pondo pambili ng mga multivitamins sa mga bata at plano niya ring ibalik ang programang Nutribun bilang pamalit sa mga nag-aalangan uminom ng gamot.
Kaugnay nito, papaigtingin naman ang pagpapatupad ng health protocols gaya ng pagsusuot ng face masks at pagbabaon ng kanya-kanyang alcohol upang masiguro ang ligtas na pagbabalik eskwela ng mga bata.
Magkakaroon din aniya ng mga washing area sa mismong gate ng mga paaralan at papanatilihin ang kalinisan sa kapaligiran.
Sa usaping agrikultura naman ay patuloy ang programang Rice Subsidy ng pamahalaang lokal.
Sa ilalim ng programang ito ay makakabili ang mga Botoleño ng limang kilong bigas sa halagang isang daang piso lamang.
Sa pamamagitan ng programang ito ay natutulungan ang mga magsasaka dahil ang kanilang aning palay ang binibili ng pamahalaang bayan para sa subsidy.
Bukod dito, plano naman niyang sanayin ang mga mangingisda na matutunan ang pangingisda sa malalim na parte ng karagatan upang mas marami at malaki ang kanilang mahuling isda.
Binigyan diin din ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng mga tourist spots gaya ng Mt. Pinatubo at Tukal-Tukal falls upang mapayabong ang turismo sa bayan.
Nangako si Ebdane na makakaasa ang mga Botoleño na mas makilala at magiging mas progresibo pa ang munisipalidad sa ilalim ng kanyang pamumuno. (CLJD/RGP-PIA 3)