Nilinaw ni PNP Chief Police General Debold Sinas na ang makakatanggap lamang ng P50,000 na tulong pinansyal ay ang mga pulis na naging malala makaraang tamaan ngCOVID-19.
Sa isang media interview sa kanyang pagbisita sa PRO 5, sinabi ni Sinas na nagkaroon lang aniya ng misinterpretation tungkol sa kung sino ang entitled na makatanggap ng tulong pinansyal.
Paliwanag ni Gen. Sinas, hindi naman patas na ang mga nag-positibo pero asymptomatic o walang karamdaman ay makatanggap ng halaga na kapareho ng tatanggapin ng mga kasamahan nilang na-ospital na may malaking pagkakagastusan.
Dagdag pa ng opisyal, hindi naman aniya ganun kalaki ang gagastusin ng mga asymptomatic dahil kina-quarantine lang aniya sila ng 14 na araw.
Sinisiguro lamang aniya ng PNP na may sapat na pondo sila para sa mga pulis na talagang nangangailangan ng tulong.
Samantala, tiniyak ni Sinas na makakatanggap pa rin ng tulong ang mga pulis na asymptomatic base sa itinakda ng PNP na minimum at maximum amount depende sa kanilang medical condition.