LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Inalok ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang mga kasapi ng New People’s Army o NPA na sumuko na sa pamahalaan, at nangakong agad silang isasailalim sa Training for Work program ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Sa kanyang talumpati sa isang pagtitipon sa lungsod ng San Jose del Monte, sinabi ng Pangulo na layunin nito na mapunan ang kakulangan sa mga trabahador sa mga proyektong pang-imprastruktra ng kanyang administrasyon sa ilalim ng Build-Build-Build.
Batid ng Pangulo na sa dami ng mga imprastrakturang tinatapos, ipinapagawa at sinimulan ng kanyang administrasyon, nananatiling hamon kung saan-saan at sinu-sino ang mga kukuhaning mga manggagawa.
Sa Build-Build-Build, naka-programang makagugol ng 8.2 trilyong piso ang administrasyong Duterte mula noong 2017 hanggang sa taong 2022. Target nitong makalikha ng higit sa isang milyong trabahao kada taon.
Kabilang dito ang tatlong proyektong daang bakal na pawang may pangunahing ruta sa Bulacan. Una na riyan ang 62 bilyong piso, 23 kilometrong Metro Rail Transit Line 7 mula sa Tungkong Mangga, lungsod ng Sa Jose Del Monte hanggang sa EDSA-North Ave sa lungsod ng Quezon.
Sinimulan na rin ang konstruksyon ng Phase 1 ng Philippine National Railways Clark mula Tutuban sa Maynila hanggang sa lungsod ng Malolos habang handa na ang pondo mula sa Japan International Cooperation Agency at Asian Development para sa Phase 2 nito mula Malolos hanggang Clark International Airport.