LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sumailalim sa isang Emergency Telecommunicator Certification Training Course ang mga tagaresponde ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO.
Isinagawa ito ng Rescue 911 ng Estados Unidos sa pamamagitan ng module na inihanda ng International Academies of International Dispatch na nakabase sa Salt Lake City.
Sumentro sa 12 uri ng pagsasanay ang nasabing certification training course.
Kabilang dito ang roles and responsibilities of emergency telecommunicator, emergency telecommunication technologies, telecommunication essentials, call management, law enforcement & police call classification, fire & rescue classification, emergency medical services call classification, disaster readiness for emergency telecommunicators, radio broadcast procedures, legal aspects of public safety communication, quality assurance & quality improvement at ang stress & emergency telecommunicator.
Felicisima Mungcal, hepe ng PDRRMO na siyang may hawak ng operasyon ng Bulacan Rescue 566, isa itong paghahanda sa ilulunsad na Rescue 911 sa lalawigan sa kalagitnaang bahagi ng taon.
Sa sistemang ito, sinumang mamamayan sa Bulacan ay maaring makatawag sa Bulacan Rescue sa pamamagitan lamang ng tatlong numero na 911.
Libre ito na makakatawag ang lahat ng uri ng telepono at cellphone ng anumang linya. Sa kasalukuyan ay natatawagan ang Bulacan Rescue sa pamamagitan ng linyang 791-0566.
May halagang 120 libong piso ang inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa Emergency Telecommunicator Certification Training Course.
Binigyang diin naman ni Mungcal na taong 2018 pa nakahanda ang mga kasangkapan ng PDRRMO para sa magiging Bulacan Rescue 911 partikular na ang 20 units ng mga telepono at ang mga modernong kagamitang pangkomunikasyon.
Samantala, kasabay ng pagsasanay, maagang nag-aabiso si Mungcal sa mga Bulakenyo na paghandaan ang magiging bagong sistema na Bulacan Rescue 911.
Layunin nito na lalong maging abot-kamay sa karaniwang Bulakenyo ang pagtawag ng saklolo sakaling kailanganin ng bumbero, ambulansya, pulis o para sa anumang uri ng emergency.