Iniulat ng Philippine Carabao Center o PCC ang mga kasalukuyang tinututukang programa sa pagdiriwang nito ng ika-29 na anibersaryo.
Ayon kay PCC OIC- Executive Director Ronnie Domingo, marami ang nagtutulong–tulong upang maabot ang kasalukuyang sitwasyon ng industriyang pagkakalabawan na tinatayang aabot sa 2.9 milyon ang populasyon o bilang ng mga kalabaw na inaalagaan sa buong bansa.
Mandato ng PCC na mapangalagaan, maparami at maipakilala ang Philippine Carabao na maraming kapakinabangan tulad sa pagsasaka sa bukirin at sa produksiyon ng gatas at karne.
Isa sa mga prayoridad na programa ng ahensiya ang Carabao Industry Roadmap na kung saan ikinokonsulta sa mga stakeholders na mga magsasaka at negosyanteng nakalinya sa pagkakalabawan ang mga proyekto tulad na lamang ang paglulunsad ng dalawang dairy business hub sa Nueva Ecija at Cebu-Bohol area na direktang makatutulong sa kanilang produksyon.
Pahayag ni Domingo, tinututukan din ng PCC ang Milk Feeding Program katuwang ang Department of Education o DepEd at Department of Social Welfare and Development o DSWD na layuning maiiwas sa malnutrisyon ang mga kabataan gayundin ay mapaunlad ang mental development na nakukuha sa pag-inom ng gatas.
Batay sa datos ay aabot sa 1.03 milyong kabataan ang nabenepisyuhan sa feeding program katuwang ang DepEd noong nakaraang taon samantalang nasa 10,619 ang naging benepisyaryo katuwang ang DSWD.
Ayon pa kay Domingo, pati ang mga nagtatanim ng niyog ay hinihikayat na ding mag-alaga ng kalabaw upang magkaroon ng dagdag na kita sa pamamagitan ng Coconut –Carabao Development Project gayundin ang iba pang nais na magnegosyo o magsimula sa industriya ng pagkakalabawan.
Kanya ding ibinalita ang kalahating bilyong pisong pondo o nasa 512 milyong piso na tatanggapin ng ahensiya para sa implementasyon ng PL480 dairy project na marami ang inaasahang matutulungan.
Mayroon ding programa ang PCC na Carabao-based Business Improvement Network project na kung saan makatatanggap ang mga benepisyaryo ng nasa 10 milyong piso bilang agapay sa production, collection, processing at marketing ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw gaya ng pasteurize milk, tinapay, at iba pa.
Ayon pa kay Domingo, sa pagtutulungan ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan, pribadong tanggapan at mamamayan ay hangad na magkaroon ng pagbabago sa agrikultura na maabot ang masagang ani at mataas na kita sa pagsasaka. (CLJD/CCN-PIA 3)