LIMAY, Bataan — Pinapayagan na ng lokal na pamahalaan ng Limay ang pamamasada ng mga tricycle sa bayan sa gitna ng pinaiiral na Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ sa lalawigan ng Bataan.
Ayon sa pamahalaang lokal, napagkasunduan ng buong miyembro ng Sangguniang Bayan na payagan ang operasyon ng mga tricycle upang maging isang pangunahing transportasyon ng mga residente.
Sa naipasang resolusyon ng konseho, ang mga tricycle na may prangkisa ang papayagang mamasada at mananatili pa rin ang pagsunod sa color at number coding na ipinatutupad sa bayan.
Isang pasahero lamang ang papayagan sa bawat biyahe at mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkas sa likod.
Ang mga pasahero edad 21 hanggang 59 taong gulang lamang ang mga pinahihintulutang isakay at sila ay dapat na may suot na face mask maging ang mga drivers na namamasada.
Kailangan ding magkabit ng plastic cover sa tricylce na magsisilbing harang sa pagitan ng driver at ng pasahero upang masiguro na hindi magkakaroon ng physical contact.
Ang pinakamababang pasahe na pwedeng isingil ng mga drivers sa bawat pasahero ay 15 piso.
Ang mga lalabag sa nasabing mga patakaran ay mahaharap sa karampatang parusa.
Muli namang pinaaalalahanan ang lahat ng residente ng Limay na patuloy na mag-ingat upang maiwasan ang paghawa o pagkalat ng coronavirus disease sa bayan.
Sa ilalim ng MECQ, ipinagbabawal pa rin ang pampublikong transportasyon ngunit ang operasyon ng mga tricycle ay maaring pahintulutan ng lokal na pamahalaan.
Ang mga pampublikong bus at jeep ay nananatiling suspendido sa bayan maging sa buong lalawigan ng Bataan.