MONCADA, Tarlac — Nakahandang tumulong ang pamahalaang bayan ng Moncada upang magkaroon ng trabaho ang mga umuwing Locally Stranded Individuals o LSI.
Ayon kay Mayor Estelita Aquino, kakapanayamin ang mga umuwing indibidwal upang matukoy ang kanilang kakayahan, dating trabaho at kinakailangang pagsasanay.
Makikipagtulungan din ang lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang ahensya gaya ng Department of Labor and Employment at Technical Education and Skills Development Authority upang mabigyan ng libreng training ang mga LSI na makakatulong sa paghahanap nila ng trabaho.
Bago ang tulong-pangkabuhayan, kinakailangan munang dumiretso sa health center ang mga umuwing LSI para sa check-up at iba pang health protocols upang masiguro ang kaligtasan ng mga taga-Moncada mula sa COVID-19.
Paalala ni Aquino sa mga uuwi, sumunod sa health protocols, at kumuha ng health certificate at travel pass.
Sa kasalukuyan, 672 LSI na mula Metro Manila, Baguio, Ilocos, Benguet at iba pang probinsya ang natulungang makauwi sa Moncada.
Kabilang dito si Efren Santos, 57 taong gulang, na kasama sa mga napauwi ng malawakang Hatid Tulong Iniatitive ng pamahalaan.
Samanatala,185 namang indibidwal na na-stranded sa bayan ng Moncada ang naihatid sa kani-kanilang probinsya gaya ng Zamboanga at Cotabato.
Ayon kay Aquino, mayroong nakatalagang point person na mag-aasikaso sa mga LSI at makikipag-ugnayan sa ibang probinsya para sa mga indibidwal na inabutan ng community quarantine sa ibang lugar.
Pagtitiyak ng alkalde, patuloy na magbibigay ng 24/7 na serbisyo ang lokal na pamahalaan katuwang Municipal Health Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office hangga’t may umuuwing LSI sa kanilang munisipalidad.