FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Pinangunahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagsisiyasat sa pasilidad ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center o Mega DATRC sa loob ng kampo Magsaysay.
Ayon kay Duque, ang pasilidad ay higit pa sa maaring kailanganing quarantine area ng mga uuwing Pilipino galing sa bansang China ngunit nangangailangan ng mga pagsasaayos upang maging komportable ang pananatili ng mga kababayan.
Ito aniya ang isa sa mga lugar na kinokonsidera ng pamahalaang nasyonal batay sa pasya ni Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang kagayakan sa mga uuwing kababayang isasailalim sa quarantine upang matiyak na negatibo sa sakit na 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease o 2019 nCoV ARD bago umuwi sa mga kani-kaniyang pamilya.
Dagdag na pahayag ng kalihim, nakasalalay pa din sa mga pagsusuri ng tanggapan kung matutuloy na gamitin ang pasilidad depende sa resulta ng mga pagsisiyasat sa ibang mga lugar ngunit sa kaniyang tantiya ay posibleng ang naturang rehabilitation center ang pumasang quarantine site.
Ang mahalaga aniya ngayon ay mayroong nakahandang pamamaraan ang gobyerno upang mapigilang kumalat ang naturang sakit.
Kaniyang nililinaw na ang 2019 nCoV ARD ay iba sa mga sakit na Measles, Tuberculosis at Chickenpox na naiiwan ang virus o bacteria sa hangin na kapag nalanghap ay madaling naihahawa.
Ayon pa kay Duque, naipapasa ang sakit na 2019 nCoV ARD sa pamamagitan ng direktang pakikisalamuha o droplet transmission mula sa pagbahing o pag-ubo ng mga may sakit na maaaring dumapo ang virus sa mismong tao o kaya sa mga madalas na hawak na kagamitan tulad ng cellphone, panyo at iba pa.
Kung kaya’t lagi aniyang ipinaaalala ng DOH na laging dumistansya nang nasa isang metro o higit pa lalo sa mga pinangangambahang may sakit na Coronavirus gayundin ang laging paghuhugas o paglilinis ng kamay.
Sinabi din ni Duque na handang makipagugnayan ang DOH sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na nagpahayag ng hindi pagsangayong gawing quarantine area ang bahagi ng Mega DATRC.
Batay sa Resolusyon Bilang 54-Series of 2020 na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ay hinihiling ng pamahalaang panlalawigan sa DOH na isantabi ang desisyon at balakin sa kampo upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga nasasakupan.
Ang Mega DATRC ay binubuo ng apat na bahagi na kung saan ang dalawang parte nito ay para sa drug rehabilitation, ang ikatlo ay kasalukuyang ginagamit ng militar at ang ika-apat ay ang planong gawing quarantine area na may kapasidad na 2,000 bed na pangangasiwaan ng DOH.