HERMOSA, Bataan – Nagpalabas ng Notice of Violation (NoV) ang Pamahalaang Bayan ng Hermosa laban sa Econest Waste Management Corporation nitong Lunes ng umaga.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Hermosa Mayor Jopet Inton ang mga naging paglabag o violations ng Econest WMC, ang private company na siyang operator ng Hermosa Sanitary Landfill Facility sa Barangay Mambog, Hermosa, Bataan.
Ang paghahain o pagse-serve ng NoV ay pinangunahan nila Municipal Councilor Luz Samaniego, SB Hermosa Sec. Atty. Joseph Sabado katuwang ang Hermosa Marshall sa pamununo ni OIC Chief Marshall at Mandama PB Jason Enriquez, Hermosa PNP chief Police Major Jeffrey Onde, Hermosa MENRO Orly Balean at barangay officials.
Ayon kay Mayor Inton nakitaan ng kanyang binuong monitoring team ang Econest WMC ng gross negligence at violations of environmental laws.
Mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Hermosa ang “No Segregation, No Collection Policy” alinsunod sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Wastes Management Act of 2000.
July 6, 2017 nang lagdaan ang Public Private Partnership sa pagitan ng Hermosa LGU at Econest WMC.
Ayon kay Mayor Inton nakasaad sa kanilang nilagdaang kasunduan na libre ang magiging pagtatapon ng Hermosa LGU sa Hermosa Sanitary Landfill Facility (SLF), tatanggap lamang ito ng properly segregated wastes pero nilabag umano ito ng kumpanya, at ibibigay aniya nito sa Hermosa LGU ang bahagi ng kikitain ng kumpanya na tumatanggap din ng mga basura mula sa ibang mga LGUs sa Bataan at iba pang probinsiya at private companies mula sa Freeport Area of Bataan.
“Ayaw nilang papasukin ang mga empleyado ng Munisipyo para mag inspection at napag alaman ko na sinisingil nila pati Hermosa LGU sa pagtatapon ng basura. Nalaman ko din na pati basura ng Quezon City ay itinatapon na rin dito. Hindi rin nagbibigay ng kaukulang financial reports ang Econest at share ng kita nito sa Munisipyo sa kanilang pagnenegosyo,” pahayag ng alkalde sa news briefing sa conference room ng Hermosa Town Hall.
Enero 11,2020, sang ayon umano sa report ng monitoring team kasama ang Hermosa Marshals at Hermosa PNP, ay pitong trucks umano na puno ng unsegregated wastes ang namonitor na itinapon sa Hermosa SLF.
Binibigyan ng Hermosa LGU ang Econest WMC ng pitong araw para sagutin ang NoV.
Hindi pa nagbigay ng kanilang opisyal na pahayag sa media ang naturang kumpanya.