Milyun milyong pondo mula sa desilting ng Calaguiman River

Inaasahang milyun-milyong halaga ng pondo ang maidaragdag sa kabang bayan ng Samal, Bataan sa pagsisimula ng isang income generating project dito. 

Sa isang panayam kay Mayor Aida D. Macalinao, iniulat niya ang pagsisimula ng desilting ng Calaguiman River lalo na aniya sa panahong papasok na ang panahon ng tag-ulan. 

“Para naman makasustain, meron po akong proyekto na ide-desilt ang Calaguiman River. Inoffer ko ito sa isang tao na idesilt niya ito na walang gagastusin at babayaran pa niya ang LGU,” pahayag ni Mayor Macalinao.

Ayon pa sa Alkalde, malaki ang maitutulong ng naturang proyekto bilang karagdagang pondo sa mga pagawaing bayan at iba pang gastusin lalo na aniya sa edukasyon ng mga kabataang Samaleño. 

Gagamitin din ang malilikom na pondo mula sa nabanggit na proyekto para sa alternative livelihood projects ng mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF na nanalasa rin sa kanilang bayan bago pa ang naging krisis na dala ng novel coronavirus o COVID-19. 

Pinulong din ni Mayor Macalinao ang kanyang Municipal Development Council nitong Mierkoles kasama ang 14 na punong barangay, department heads, Samal SB sa pamumuno ni Vice Mayor Jun Espino at lahat ng mga concerned national agencies. 

Pinag-usapan sa naturang pulong ang mga naging hakbang para mapigilan ang pagkalat ng Covid-19, preparation sa pagpasok sa incoming school year gamit ang distant learning at iba pang alternative teaching methods at mga panuntunan sa pagpapatupad ng new normal. 

Iniulat din ni Mayor Aida ang itatayong sabungan sa kanyang bayan, mga road projects at ang paglalagay ng mga karagdagang street lights sa madidilim na lugar at kalsada sa kanyang munisipalidad. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews