Pansamantalang babawiin ni Gobernador Fernando ang inilabas niyang Executive Order 21 noong Agosto na nagsususpinde sa mining at quarrying operations sa Bulacan.
Simula sa Okturbe 26, muling makakabalik sa operasyon ang nasabing industriya.
Sa pakikipagpulong ng gobernador sa mga may-ari ng mga kompanya at establisemento na nasa mining at quarrying, ipinaliwanag niya na pansamantala lamang ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga employers at mga empleyado na ireporma ang kanilang industriya.
Naging pagkakataon aniya ang ginawang suspensiyon upang makita at mahuli ang iba’t ibang uri ng mga iligal na gawain sa mining at quarrying sa Bulacan.
Kaya’t sa pagbubukas muli ng industriyang ito, kaakibat ang pagpapatupad ng ‘One-Strike’ Policy upang matiyak na masusunod ang mga bagong patakaran ng Kapitolyo kaugnay ng mga operasyon nito.
Pangunahin sa mga mas hinigpitan ang pagbabawal sa “Kabit System” na iligal na pamamaraan kung saan ang isang walang permit na nagmimina o nakakapag-quarry, ay nakikigamit ng permit, lisensiya at resibo upang magkaroon ng operasyon kahit hindi nagbabayad ng buwis.
Babantayan naman ang bawat isang trak na ginagamit sa mining at quarrying upang matiyak na tumutugma ang bigat ng karga sa nakadeklara sa delivery receipts at transport slips.
Ang pagkakaloob ng delivery receipts at transport slips ay uubra lamang na magamit kada isang biyahe at hindi na uubrang magamit muli o magamit ng iba na may kaugnayan din sa “Kabit System”.
Kinakailangan din na nakarehistro ang bawat trak sa Bulacan Environment and Natural Resources Office o BENRO bukod pa sa regular na rehistro sa Land Transportation Office.
Hindi irerehistro ang mga trak na nilagyan ng modifications o extension ang lagayan na nagagamit sa overloading at nagdudulot ng labis na pagkasira ng mga kalsada.
Sa lugar ng operasyon ng mining at quarrying, dapat kumpleto ang lahat ng safeguards, signages at safety precautions upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa bukod sa pagsusuri kung sumusunod sa tamang pasahod at benepisyo.
Ayon pa kay BENRO Head Julius Victor Degala, maghihigpit ang Kapitolyo sa mga nasa mining at quarrying sa paggawa at pagsunod sa itinakdang Site Development Plan at pati sa Work Program.
Ito’y upang hindi na magkaroon ng overlaps sa mga lupa alinsunod sa umiiral na Comprehensive Land Use Plan ng Bulacan.
Ang Kapitolyo na mismo ang maglalagay ng permanenteng check point bilang monitoring system na magbabantay kung ang dami ng nakakarga na mga bato o mineral sa trak ay naaayon sa kapasidad at sa itinakdang permit. Pagtugis na rin ito sa mga indibidwal na nanghihingi ng “kotong” sa daan.
Para sa pagbibigay ng Special Permits kung saan pinapayagan ang pagmina o paghukay ng excess ordinary earth materials o OEM, dapat lamang gawin ito sa mga itinakdang lugar ng BENRO.
Hindi na pwedeng lumagpas sa 2.5 metro ang lalim ng dapat mahukay at hindi lalagpas sa tatlong metro naman ang kailangang buffer zone.
Maniningil ang Kapitolyo ng buwis na katumbas ng 10 porsyento ng actual market value ng namina o nahukay na OEM.
Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na target ng Kapitolyo na makakolekta ng 100% mula sa mga potensiyal na halaga ng buwis mula sa mining at quarrying operations sa Bulacan.
Ito’y upang matugunan ang nasa isang bilyong pisong budget deficit ng Provincial Budget para sa taong 2023.
May halagang anim na bilyong piso lamang ang Provincial Budget ng Bulacan para sa taong 2023 na mas mababa sa 7.4 bilyong piso ngayong 2022.
Ito’y bunsod ng nabawasang National Tax Allotment mula sa pamahalaang nasyonal. (CLJD/SFV-PIA 3)