Muling binuksan modernong Mt. Samat Museum

Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Mt. Samat Underground Museum na muling binuksan sa publiko matapos ang ginawang modernisasyon na pinondohan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority. Matatagpuan ito sa ilalim ng colonnade ng Dambana ng Kagitingan sa Pilar, Bataan. (PCO)

PILAR, Bataan – Bukas na muli sa publiko ang Mt. Samat Underground Museum na matatagpuan sa ilalim ng colonnade ng Dambana ng Kagitingan sa Pilar, Bataan. 

Tinagurian ito ngayon na “Bataan World War II Museum and the Legacy of Bataan and its Heroes” na ginawang moderno sa tulong ng P19 milyong pagpopondo ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Naging hudyat ang muling pagbubukas nito sa publiko nang binisita ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bahagi ng paggunita sa Ika-83Taong Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan. 

Ayon kay Mt. Samat Flagship Tourism Enterprise Zone Administrator Francis Theodore Initorio, ang nasabing museo ay bahagi ng pagtatayo ng Dambana ng Kagitingan na pinasimulan noong 1966 bilang alay ng noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa mga Pilipinong nag-alay ng buhay at sakripisyo noong Ikalawang Digmaang Pandaidig.

Una itong binuksan sa publiko noong Abril 9, 1970.

Bukod sa mas maaliwalas na mga exhibit content at artifact display, magbibigay din ito ng interactive experience sa mga mag-aaral, mananaliksik at mga turistang bibisita.

Ginawang mas komperehensibo ang bagong storyline exhibit na mas madali ring maiitindihan. 

Binigyang diin ang naging bahagi ng Bataan sa kasaysayan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas, mga dakilang ambag ng mga bayaning tagarito, at serye ng mga labanan sa lalawigan noong panahong iyon.  

Ipinuwesto ang bawat gallery sa akmang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari mula sa pagputok ng digmaan hanggang sa pagtatapos nito noong 1945. 

Malilibot ang Mt. Samat Underground Museum sa loob ng 20 hanggang 30 minuto kung masusundan nang maayos ang storyline base sa walong major exhibit display. 

Bahagi ng limang taong Redevelopment Plan ng Mt. Samat ang modernisasyon ng museo. 

Isa nang ganap na flagship tourism enterprise zone ang Mt. Samat na nasa ilalim ng pangangasiwa ng TIEZA, sang-ayon sa itinatadhana ng Republic Act 9593 o National Tourism Policy Act of 2009. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bataan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews