LUNGSOD NG MALOLOS — Murang well-milled commercial rice na nagkakahalaga ng 38 piso kada kilo ang ibebenta ng mga Bulacan Ricemillers sa mga piling resettlement sites sa lalawigan sa ilalim ng Tulong sa Bayan caravan.
Ayon kay Golden City Ricemillers Association Vice President Roderico Sulit, napagkasunduan ng kanilang samahan na magbenta ng murang bigas sa mga resettlements sites upang tulungan ang National Food Authority habang wala pa ang kanilang imported rice sa merkado at lalo na ang mga mahihirap na makabili ng bigas sa abot kayang halaga.
Dagdag pa ni Sulit na ang kanilang ibebenta na bigas ay may ordinary market price na mula 45 hanggang 48 piso kada kilo.
May 150 kaban ang kanilang ibebenta kada resettlement site na kanilang pupuntahan.
Kabilang na riyan ang Santol Northville 6 sa bayan ng Balagtas sa Setyembre 13; Batia Northville 5 sa Bocaue sa Setyembre 14, Lambakin Northville 4A sa Marilao sa Setyembre 17, at Bangkal Northville 8 sa Setyembre 18.