GUIGUINTO, Bulacan (PIA) – Umakyat na sa 66% ang nagagawa sa Phase 1 ng proyektong North-South Commuter Railway (NSCR) o ang bahagi itinatayong riles ng tren mula sa Malolos hanggang sa Tutuban.
Sa isang pagbisita ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Fidel Cruz sa ginagawang bahagi ng NSCR sa Guiguinto, bahagi ng 66% overall completion ng proyekto ang 22% na civil works.
Katunayan, pasulong na sa hangganan ng Marilao ang inilalatag na fabricated concrete girders mula sa Meycauayan. Sunud-sunod na rin ang mga poste sa bayan ng Marilao habang nagsimula nang maitayo ang magiging Bocaue station. Nasa paglalagay naman ng bubungan ang ginagawa sa nagkakahugis nang magiging Balagtas station.
Mahaba na rin ang nailalatag na fabricated concrete girders sa Guiguinto at sinimulan nang maitayo ang magiging Guiguinto station. Naging mabilis ang pagsasakatuparan nito matapos maresolba ang right-of-way, kung saan pumayag ang Kapitolyo ng Bulacan na mabili ng DOTr ang pag-aaring lupa nitong dadaanan ng proyekto.
Habang sa Malolos, nasa kasagsagan ang pagtatayo ng magiging turn-out railway track, kung saan makakalipat ng riles ang mga tren na babalik sa Tutuban.
Sa ibabaw ng mga inilalatag na fabricated concrete girders ilalagay ang 38 kilometrong salubungang riles na dadaanan ng mga tren ng NSCR Phase 1, na kalaunan ay aabot sa Clark International Airport na bahagi naman ng Phase 2.
Ayon pa kay Asec. Cruz, bahagi rin ng 66% na overall completion ang pagkakatapos na magawa o ma-assemble ang una sa 13 mga train-sets para sa NSCR Phase 1. Bawat isang train-set ay magkakaroon ng walong mga bagon na magkakadugtong.
Nakatakdang dumating sa Disyembre 2021 ang unang train-set habang inaasahan nang magiging sunud-sunod na ang pagdating ng 12 mga train-sets para makumpleto ang nasa 104 na mga bagon.
Harapan ang mga upuan nito na kayang maglulan ng 45 hanggang 54 katao na nakaupo, at mga nasa 300 katao na nakatayo sa bawat bagon.
Yari sa lightweight stainless steel ang bawat bagon na may bigat na 270 metro tonelada. May taas itong 13 na talampakan at pitong pulgada na may lapad na 2,950 millimeters.
May halagang P12 bilyon ang naturang mga bagon ng tren na ginawa ng Sumitomo Corporation at Japan Transport Engineering Corporation (J-TREC).
Bahagi ito ng kabuuang P106 bilyon halaga ng proyektong NSCR Phase 1, kung saan P93 bilyon ang mula sa Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at P13 bilyon mula sa sariling pondo ng Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Asec. Cruz na dahil nananatiling hamon ang pandemya sa konstruksiyon gaya ng iba pang mga proyekto, minabuti ng DOTr na itakda ang testing ng mga tren at gawin lahat ng pagkukumpleto hanggang sa taong 2022. Dahil dito, tinatarget nang sa taong 2023 masimulan ang operasyon ng NSCR Phase 1.