LUNGSOD NG CABANATUAN — Sa pangunguna ng SM City Cabanatuan isinagawa ang storytelling sa ilang mga mag-aaral sa lungsod bilang tampok sa pagdiriwang ng National Children’s Book Reading Day.
Ayon kay SM City Cabanatuan Public Relations Officer Sheen Crisologo, ito ay sa pakikipagtulungan ng National Book Development Board, Vibal and Anvil Publishing Inc., National Book Store, Department of Education, SM Cares at SM Supermalls na layuning ikampanya ang kahalagahan ng pagbabasa ng libro lalo sa kasalukuyang panahong laganap ang paggamit ng iba’t ibang gadgets o teknolohiya.
Gayundin aniya ay upang mapahusay at mapalaking may hilig sa pagbabasa ng libro ang mga kabataan na magsisilbing daan sa kanilang patuloy na paglinang ng kaalaman.
Kabilang sa mga naging kaagapay na nagbahagi ng mga kwentong kapupulutan ng aral ay sina Kimberly De Vera, Human Resource Supervisor ng SM City Cabanatuan, Binibining Cabanatuan 2017 Roxanne Dela Cruz, at Binibining Sta. Rosa 2016 Berverly Chinie Simbulan.
Kanilang ibinahagi sa mga mag-aaral ng Obrero Elementary School at Global Kids Montessori ang kwentong Bumabara Bara Bara na patungkol sa pagpapahalaga sa kalikasan at ang Two Friends One World na hango naman sa pagkakaibigan sa kabila ng pagiging magkaiba.
Ayon sa pamunuan ng nasabing mall, ito na ang ika-siyam na taong isinasagawa ang aktibidad sa buong bansa na layong maipagpatuloy pa sa mga susunod na panahon sa kapakinabangan ng mga kabataang nasasakupan. –PIA3