
LUNGSOD NG MALOLOS – Magkatuwang na isinusulong ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) na mapalakas at gawing regular ang Cinema Rehiyon na target pasimulan sa Bulacan para sa Gitnang Luzon.
Iyan ang sentro ng idinaos na “Paano Magbasa ng Pelikula” sa Nicanor Abelardo Auditorium ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lungsod ng Malolos kaugnay ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining.
Pinangunahan ito ni NCCA Chairperson Victorino Mapa Manalo kung saan tampok na ipinalabas ang pelikulang “Tumandok”.
Tungkol ito sa buhay, kalagayan at kinakaharap na mga hamon ng mga katutubong Ati sa Iloilo at Capiz gayundin ang estado ng kalikasan na kanilang nagsisilbing tahanan.
Ipinaliwanag ni Manalo na sa pamamagitan ng Cinema Rehiyon, nagbubukas ang pelikula ng mga riyalidad sa sakahan at kalikasan.
Kailangan aniya na ang mga gagawa pa ng ganitong uri ng pelikula ay huwag ipantay sa mga nakagisnang panoorin sa Metro Manila, kundi mas tutukan ang pamantayang panrehiyon upang lubos na mangibabaw ang pagkakakilanlan sa aspeto ng sining, kultura, kalinangan at kasaysayan.
Hinikayat din ng tagapangulo ang PHACTO na “gumawa ng mga bagong kwento”.
Hinalimbawa niya na dati nang natatalakay, nababasa at napapanood ang buhay, isinulat at ginawa ng makatang si Francisco Balagtas pero maaari aniyang makagawa ng kwento sa pelikula mula sa kasalukuyang kalagayan ng lipunang Bulakenyo na tutugma sa prinsipyo o pamantayang ipinakita ni Balagtas.
Kinatigan naman ito ni NCCA National Committee on Cinema Vice Head Tito Valiente na nagsabing mas magiging malinaw ang layunin ng Cinema Rehiyon kung “para kanino ang pelikula, bakit ginawa ang pelikula at sino ang gumawa?”
Binigyang diin niya na ang pelikula ay hindi lamang repleksiyon ng isang kwento.
Ito’y isa ring repraksiyon na ang ibig sabihin, iniaakma ang isang pamantayan sang-ayon sa direksiyon na tatahakin ng kwento base sa nakalap na materyales sa totoong buhay.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta at kahandaan si PHACTO Officer-in-Charge May Arlene Torres, na pasimulan sa Bulacan sa susunod na taong 2026 ang Cinema Rehiyon.
Naging daan din ito upang mabuksan ang talakayan kung papaano makakatamo ng iba’t ibang uri ng tulong ang mga gagawa ng pelikula mula sa mga benepisyo na tinukoy sa Republic Act 11904 o Philippine Creative Industry Development Act. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)