NCCA, tatanggap ng mga grants proposal hanggang Setyembre 30

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagtakda ng palugit hanggang Setyembre 30 ang National Commission for Culture and the Arts o NCCA para sa mga nais makakuha ng pondo para sa mga programa at proyektong pangkultura at pangsining.

Tinatayang nasa 26 milyong piso ang inilaan ng NCCA para sa mga proyektong popondohan sa taong 2021. 

Ayon kay NCCA National Committee on Northern Cultural Communities Head Edwin Antonio, partikular na kwalipikado ang mga non-government organization na nagsusulong ng adhikain tungkol sa kultura at sining, mga pamahalaang lokal at maging ang mga state universities and colleges.

Tatlong prayoridad na mga proyekto ang uubrang pondohan ng NCCA basta’t ito’y nakapailalim sa konteksto ng cultural communities and traditional arts, cultural heritage, arts at ang cultural dissemination.

Nakapaloob sa konteksto ng cultural communities ang mga proyektong naglalayong mapreserba ang mga katutubong sining, kultura at kalinangan. Para naman sa larangan ng cultural heritage, saklaw nito ang mga nasa sektor ng archives, art galleries, historical research, libraries and information services at sa monuments, sites and museums.

Partikular sa arts, bukas ito sa mga nagtataguyod ng architecture and allied arts, cinema, dance, dramatic arts, literary arts at sa visual arts habang sa cultural dissemination ay kinapapalooban ng mga nagsusulong ng communication on cultural education at language and translation.

Sa Bulacan, kabilang sa mga pinopondohan ng NCCA ay mga proyektong pangsining na magkatuwang na itinataguyod ng Jefarca Arts and Historical Society Inc. at ng Pamahalaang Bayan ng Pulilan.

Kabilang dito ang taunang Mandala Art Festival na pinasimulan noong taong 2012. Itinatampok dito ang sining ng pagguhit na naglalarawan ng iba’t ibang pamamaraan at masaganang ani ng pagsasaka. 

Idinadaos ito tuwing buwan ng Mayo bago ang pagdaraos ng Kneeling Carabao Festival.

Samantala, makikita ang kabuuan ng mga rekisito sa pagsusumite ng mga proposals sa kanilang official website na www.ncca.gov.ph. Makikita rin dito ang application form na ilalakip sa mga isusumiteng rekisito.

Ipadala ang mga proposals, kalakip ng mga kailangang rekisito, sa Policy/Plan Formulation and Programming Division, 5C, 5th Floor, NCCA Building 633, General Luna street, Intramuros 1002, Manila, Philippines. 

Pwede ring mag-email sa [email protected] o tumawag sa 02-8527-2192, 02-8527-2198, 02-8527-2209 at sa 02-8527-2194 kung may mga nais pang liwanagin. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews