LUNGSOD NG PALAYAN — Ipinagdiwang nitong Lunes ang National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Naka-angkla ang pagdiriwang sa temang “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagtupad ng Karapatan ng mga Taong May Kapansanan.”
Ayon kay Provincial Disability Affairs Office o PDAO Chief Ariel Sta. Ana, layunin ng taunang pagdiriwang na hikayatin ang buong sektor na lumabas at lumahok sa komunidad upang maipakita ang mga angking kahusayan sa anumang larangan.
Aniya, sila din naman ay mayroong angking kagalingan na dapat ay ipagmalaki at hindi ikahiyang maipakita.
Sa naturang pagdiriwang ay pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan ang libreng konsultasyong medikal, pamamahagi ng mga gamot at feeding para sa mga lumahok.
Hindi naman mawawala sa okasyon ang pagpapakita ng talento ng mga taong may kapansanan sa pag-awit at pagsayaw.
Kaugnay sa tema ng pagdiriwang ay sinabi ni Sta. Ana na mahalaga ang gampanin ng bawat lokalidad sa pagtamo ng mga benepisyo at karapatan ng mga kaanib sa sektor.
Kaniyang inihalimbawa ang pagtatatag ng isang tanggapan o ng Disability Affairs Office sa bawat lokalidad na nakasaad sa batas na siyang tutugon at tututok sa mga programang ipinatutupad para sa mga may kapansanan.
Gayundin ay magiging daan ang tanggapan sa madaling paglapit ng mga kababayan hinggil sa mga kinahaharap na usapin at pangangailangan sa pang-araw araw na buhay.
Pahayag ni Sta. Ana, kabilang sa nananatiling usapin na kinahaharap ng sektor ay ang pangangailangan sa serbisyong medikal o pangkalusugan, trabaho o pangkabuhayan gayundin ang pangungutya dahil sa pisikal na kalagayan.
Kanyang panawagan sa mga lokal na pamahalaan ay patuloy na bigyang sulyap ang pamumuhay ng mga taong may kapansanan at siguraduhing naiaabot ang mga programa ng gobyerno.
Ang kaniyang mensahe sa sektor ay huwag titigil sa pag-abot ng pangarap, makipagugnayan at makilahok sa samahan tungo sa sama-samang pagtamo ng maunlad at matatag na pamumuhay.
Sa datos ng PDAO, nasa 12,886 ang kasalukuyang bilang ng mga naitatalang taong may kapansanan sa buong lalawigan.