SAN MIGUEL, Bulacan — Pormal nang binuksan ang ika-21 Negosyo Center sa Bulacan na inilagak sa sinaunang munisipyo ng bayan ng San Miguel.
Ayon kay Business One Stop Shop o BOSS Head Claudette Libunao, malaking katipiran ito sa mga taga-San Miguel na nais magbukas at makapagsimula ng sariling negosyo.
Sa mahabang panahon, bumibiyahe pa ng nasa 50 kilometro o mahigit dalawang oras ang mga tagarito patungong Malolos para lamang makapag-apply ng business name sa Department of Trade and Industry o DTI.
Sinabi ni DTI Provincial Director Edna Dizon na bukod sa mga bagong bubuksang negosyo, mahihikayat ang mga dati nang may negosyong nasa tinatawag na “underground economy” o iyong mga hindi rehistrado na gawing pormal at legal ang kanilang hanapbuhay.
Ipinaliwanag niya na hindi dapat katakutan ng mga micro, small and medium enterprises ang ahensya dahil ang pagrerehistro aniya ay susi rin upang makatamo sila ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan.
Target ng DTI na maisama ang maraming mga produktong ginagawa sa San Miguel sa One Town One Product Next Generation.
Kilala ang bayan sa mga produktong minatamisan gaya ng pastillas na puti na gawa sa gatas ng kalabaw, macapuno, tamales, balat ng kundol at balat ng santol. Iba pa rito ang pamosong chicharong baboy na nauna itong nakilala.
Sa pagbubukas ng Negosyo Center sa San Miguel, kaya nang maging isang araw ang pagpoproseso ng business permit at business name. Dating nakukuha sa loob ng mula dalawa hanggang ikatlong araw ang nasabing mga dokumento noong wala pang BOSS at Negosyo Center.
Ang pagkakaroon ng Negosyo Center sa bawat mga bayan at lungsod ay isinasakatuparan sa bisa ng Republic Act 10644.
Nakalinya rin itong mekanismo sa pagpapairal ng Ease of Doing Business and Efficience Government Service Delivery o Republic Act 11032, upang mapabilis at mapagaan ang paraan sa pagbubukas ng mga negosyo na kalaunan ay lilikha ng mga bagong trabaho.
Samantala, ibinalita ni Mayor Roderick Tiongson na napapanahon ang pagkakaroon ng Negosyo Center ngayong magtatayo ng Pasalubong Center ang pamahalaang bayan.